55
"Oy, Mark, gising. Oy."
Ang sakit ng ulo ko dahil sa sobrang puyat.
"Inaantok pa 'ko."
"Mag-aalas nuebe na. Gayak ka na. May exam ka, 'di ba?"
"Matutulog muna ako nang konti, Kevin. Alas diyes y medya pa naman exam ko."
"'Wag na. Gano'n din 'yun."
"Hindi kasi ako nakatulog kagabi."
"Oh, bakit?"
"Kumikirot kasi ang paa ko magdamag."
Pati puso ko.
"Umiinom ka ba ng mga gamot mo?"
"Oo."
"Ano sabi ng nurse mo? Si Mariel."
Umiling ako.
"Oh bakit?"
"Apat na araw na niyang hindi sinasagot yung mga text at tawag ko."
"Bakit naman?"
Natigilan ako. Mas pinili ko na lang 'wag magsalita. Kinuha ko ang unan ko na nasa gilid at niyakap ng mahigpit. Muli akong pumikit.
"Sige, Mark, matulog ka muna. Gigisingin kita after thirty minutes, ha? Igagayak ko na 'yung mga gagamitin mo."
"Oy, Mark. 'Wag ka naman sumimangot. Sige ka, baka itlog ang makuha mo mamaya niyan sa exam."
Ngumiti ako kahit kunwari lang.
"Oy, teka, nag-review ka ba kagabi?"
"Sumakit nga magdamag yung paa ko."
"Dapat tinext mo 'ko."
"Eh di nangulit ka lang. Lalo lang akong napuyat."
"Sus."
"Mangongopya na lang ako mamaya."
"Miss, apat na B3. Double go large. Coke."
"Okey, Sir."
"Wait, Miss. 'Yung chicken joy niyo."
"Yes, Sir."
"Kapag ba kinain namin 'yun, magiging maligaya 'tong kasama ko?"
"Sir?"
"Chicken joy kasi eh. Hehe."
Napatingin na lang ako sa kanya kahit na walang kwenta joke niya.
"Joke lang," sabi niya.
"Sir, okey na po ba?"
"Teka, Miss."
"Yes, Sir..."
"Pahingi na rin ng Sabaw."
Napaisip tuloy yung empleyado ni Jollibee.
Siniko ko si Kevin sa tagiliran. Nginitian lang ako ni loko.
"Joke lang ulit."
Napangiti na rin si Miss.
"Mark, ano balak mo bukas?"
"Hindi ko alam. Ikaw?"
"Si Mariel?"
"Hindi ko alam."
"Happy Valentines, Mark."
"Ikaw?"
"Wala na kami... ni Anne."
* * *
Isang araw bago ang laban kung saan ako nagkaron ng injury.
Nasa bahay ako noon, nag do-DotA sa Garena. Pasado alas tres na ata ng hapon nang makatanggap ako ng text message mula sa hindi inaasahang pangalan. Si Anne. Girlfriend ni Kevin.
Mark.
Anne. Musta?
Busy ka?
Hindi. Bakit?
Pwede ba tayong mag-usap?
Ngayon?
Yes. Sana.
Okey. Saan ka?
Fiorgelato
Okey. I'll be there in ten minutes.
Pagpasok ko pa lang ng coffee shop, nakita ko na agad siya. Iilan-ilan lang ang tao sa loob. Nasa isang gilid siya, gawing dulo nakaupo. Lumapit agad ako. Nakita niya naman ako habang papalapit.
"Hi," pagbati ko.
Ngumiti naman siya.
Kahit na nakangiting Anne ang sumalubong sa akin, hindi pa rin naitago no'n ang nangingilid na luha mula sa kanyang mapupungay na mga mata. Madali ko 'yon napansin dahil 'yon agad ang tinitignan sa isang taong hindi ko madalas nakikita at nakakasama... mata.
Umupo ako sa tabi niya. Tahimik lang siya kaya mas pinili ko na lang na 'wag muna magsalita.
Ilang saglit pa...
"Break na kami."
"Anne" lang ang naging tugon ko.
Nagsimula nang pumatak ang kanyang luha.
Kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at ibinigay sa kanya. Agad niya 'yon kinuha, nagpunas ng uumaagos na luha. Ngumiti ulit siya pero ako, nakatitig lang sa kanya.
"Sorry, Mark."
Umiling ako.
"Mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya. Gaya ng dati, gano'n pa rin ako sa kanya pero siya alam kong meron nang iba. Kahit na hindi niya sabihin, alam ko, nararamdaman ko, hindi na ako ang nasa puso niya. Mahal ko siya kaya pinapakawalan ko na siya. Masakit. Oo masakit siguro ngayon pero mawawala rin siguro 'to. Baka. Sana. Basta masaya siya, magiging masaya na rin ako para sa kanya."
Nakatitig lang ako sa kanya. Ilang segundo ang nagdaan pero wala akong nasabi kahit isang salita.
Hinaplos niya ang aking mukha. "Huy, Mark."
Wala pa rin akong nasambit.
"Masaya ako dahil nakilala kita. Ikaw na bahala kay Kevin, ha? Ikaw lang ang katapat nu'n."
Napatango na lang ako. Ngumiti siya. Hindi na ako nakaganti pa.
"Hope to see you again... siguro in Manila. Hehe."
Humalik siya sa akin... sa pisngi.
"Bye."
Umalis na siya habang ako ay napatingin na lang sa baba, napatulala.
* * *
Wala pa rin ako sa sarili kinabukasan. Sa unang quarter pa lang ng game noon, napansin na ni Kevin na malamya ang aking laro. Ilang beses din akong nilabas ni coach sa loob ng court dahil sa sunod-sunod na turnovers na aking ginawa.
Back to the ball game!
"Mark, okey ka lang ba?"
"Yep, Coach."
"Ingat ka. 'Yung mga talon mo, napansin ko medyo wala sa tiyempo. Ano ba ang nangyayari sa 'yo? May problema ba? Dapat 'wag mo dal'in dito sa laro. Delikado."
Hindi ko na pinansin si Coach. Ako ang unang pumasok sa loob ng court.
Pumito na ang referee na nakapwesto sa gitna. Pagkatapos ay tumunog na ang mahabang buzzer, hudyat na magsisimula na muli ang game.
Ilang baba pa lang ng bola ay na-steal na agad nila. Ako ang nagdadala nang maagaw ng kalaban. Hindi ko na mabilang ang nagawa kong kamalian. Sinubukan ko pang isalba ang aking pangit na laro pero nabigo lang ako.
Gaya ng pangamba nila coach, nangyari ang kinakatakutan ko... ang makakuha ng serious injury.
* * *
"Oy, Mark. Ang lalim na naman ng iniisip mo. Bilisan mong kainin yang fries at burger mo, may exam ka pa. Mag-aalas diyes y medya na."
Hindi ko na inubos ang pagkain. Pumasok na ako sa school. Hinatid lang niya ako do'n at umuwi na rin. Wala kasi siyang klase noong araw na 'yon. Susunduin na lang daw niya ako sa uwian ko sa hapon.
"Tara sa loob?"
"Hindi na. May gagawin pa 'ko."
"Nako. Tara na."
"Sige na. Pumasok ka na."
"Kaarte mo, Huget. Tara na. Ang aga pa. Anong oras pa lang. Alas sais pa lang."
"Oh, eto."
Kinuha ko ang inabot niya.
"Roses?"
"Ibigay mo sa kanya."
"Ha?"
Ngumiti siya.
"Bye."
Umalis na siya. Ako ay naiwan na nakatayo sa gate na parang tangang nag-iisip.
Agad akong pumasok ng bahay. Nakakapanibago, walang nakabukas na mga ilaw. Walang kaingay-ingay sa paligid.
Binukas ko ang ilaw. Inilapag ko ang aking bag sa maliit na lamesa sa sala. Ibinukas ko ang TV. Dahan-dahan akong umupo at maingat na inalis ang air cast na aking suot sa kaliwa kong paa.
Napansin ko na may nakahain sa hapag kainan. Parang may handaan. Lumapit ako. Tinignan. May ilang potahe. Lahat paborito ko.
"Happy Valentines, Hon."
Boses galing sa madilim na bahagi ng kusina na walang nakabukas na ilaw. Lumapit siya.
Yumakap siya. Hinalikan niya ako.
"For you." Inabot ko ang tatlong rosas na hawak ko.
"Sorry, Hon. I love you," sabi niya. Hinalikan ulit niya ako.