56


"Gusto mo daw ako makita?"

"Ha."

"Si Kevin... sabi."

"Ah. Oo."

Humigpit ang yakap niya. Ako naman ay nakahawak lang ang kamay sa kanyang bewang. Kaliwa-kanan ang aming mga paa na parang nagsasayaw, sunod sa pintig ng aming puso na nagsisilbing musika.

"'Wag ka umiyak," pabulong kong sambit.

"I love you, Hon."

Hinalikan ko siya sa noo.

"Kanina ka pa?" tanong ko.

"Medyo."

"Ah."

"Nagluto ako para sa 'yo."

"Nag-abala ka pa."

"Ano ka ba. Salamat nga pala dito sa roses."

"Ah."


"Hon."

"Oh."

"Pansin ko..."

"Na?"

"Naging malamig ka."

"Ha?"

"Ibang Mark ang nadatnan ko pag-uwi ko galing Dubai. Akala ko naninibago ka lang o ako pero..."

"Pero?"

Ang isang segundo ay nagiging mahabang oras.

"Mahal mo pa ba ako?"

"Oo." Sa iisang direksiyon lang nakatingin ang mga mata ko. Hindi ko magawang ibaling sa kanya dahil hindi ko kayang tignan ang kanyang mukha.

"Katulad pa rin ng dati?"

Napabuntong-hininga ako. Ito na siguro ang tamang oras para maging totoo sa sarili ko at sa kanya.

Umiling ako. "Oo. Hindi. Baka."

"Nagmahal ka ng iba?"

Pabilis ng pabilis ang kabog ng dibdib ko. Parang sasabog.

May sagot ang puso ko sa tanong niya pero napipi ang bibig ko.

"May iba?" tanong ulit niya.

Ilang segundong walang imikan...

Tumango ako.

Narinig ko ang pagbagsak ng luha niya. Tinignan ko siya. Basa ang kanyang mga mata.

Muling huminto ang mundo naming dalawa.

"Sino sa amin?"

"Hindi ko alam..."

"Sino siya?"

Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko. Hinugot ko ang lahat ng tapang ko sa katawan at lahat ng kaastigan na natutunan ko sa mahigit benteng taon ko sa mundo. Wala akong nasabi. Nilamon ako ng kaduwagan.

Niyakap ko siya. Umagos ang luha niya sa balikat ko. Pinunasan ko pero pinigilan niya.


* * *


Three months later...


Umuwi ang buo kong pamilya para samahan ako sa mahalagang araw ng buhay ko... ang graduation ko. Sa halos dalawang taon naming hindi pagkikita, talagang na-miss ko sila. Sayang, dahil dalawang linggo lang sila namalagi dito sa Pilipinas. Hindi pa naman kasi bakasyon ng dalawa kong kapatid sa Canada.

Ang bilis ng araw. Parang kailan lang. Ngayon, paalis na naman sila pauwing Canada at ako, maiiwan na naman dito mag-isa.

Mas pinili kong maiwan dito kaysa sumama sa kanila doon. Ewan ko ba. Hindi ko maiwan-iwan ang Pilipinas.

Si Mariel naman, bumalik sa Dubai para magtrabaho. Magdadalawang linggo na siya doon. Dalawang taon daw ang kontrata niya sa ospital na pinapasukan niya.


* * *


"Oy Marky boy kolokoy..."

Tumingin ako. May tao pala sa likod ko. Si Kevin.

"Nagulat ka."

"Musta?"

"Ikaw ang kumusta?"

"Okey lang."

"Emo?"

"Dito lang ako palagi. Pinanonood mga nagdadaang sasakyan."

"Sus. Ang dami mo naman sinabi."

"Saan ka?"

"Mag-eenroll ulit."

"Ha?"

"Second course."

"Di nga?"

"Oo nga."

"Bakit."

"Basketball."

"Saan?"

"Manila. Dati kong school."

"Ah."

"Doon na 'ko titira... ulit."

"Gano'n ba."

"Susubukan kong pasukin ang pangarap natin. Makapaglaro sa UAAP."

"Kaya mo naman 'yun."

"Salamat."

"Ingat ka."

"Mami-miss kita."

"Ikaw din."

Tumabi siya sa akin. Inakbayan niya ako.

"Alagaan mo yang paa mo, ha?"

"Yes, Boss."

"Pagaling ka agad."

Ngumiti ako.

"Magwa-one on one ulit tayo."

Ngiti lang ulit ang sagot ko.

"Dapat matalo mo na ako."

"Makikita pa ba kita?"

"Oo naman. Sa Manila lang ako pupunta, hindi sa kabilang buhay."

"Seryoso naman."

"Hahaha! Basta dadalaw-dalaw pa rin ako kaya lang magiging madalang na."

"Ah."

"Ikaw ba, ano plano?"

"Dito muna. Bahala na."

"Balitaan mo na lang ako."

Tumango ako.

"Maaga kang matulog."

"Oo."

"Wag ka na uminom."

"Babawasan na."

"Pati drama mo, bawasan mo na rin."

Napangiti ako.

"Mahal kita. Hindi 'yun magbabago."

Naluha ako.

"Hindi bagay yang luha mo, Mark."

"Loko."

"Tandaan mo, Mark. Kahit saan man tayo lupalop ng mundo makarating"—kinuha niya ang kamay ko—"lagi ka lang nandito." Inilagay niya yun sa tapat ng kanyang puso.

"Baduy...."

"Hahaha!" Itinaas niya ang dalawa niyang paa sa barandilya. Nakita ko ang tattoo sa kanyang magkabilang paa. "At dito." Tinuro niya ang letra kung saan nagsisimula ang pangalan ko.

"Salamat Kevin."

Yumakap siya bigla. Mabilis. Tumayo siya at nagpaalam na.

"Hanggang sa muling pagkikita Mark."

Tumalikod na siya at naglakad papalayo. Bago pa man siya makapasok sa sasakyan niya, tinawag ko ang pangalan niya.

"Kevin."

Lumingon siya.

"Wag ka masyadong mayabang du'n, ha? ...baka mabugbog ka," sigaw ko sa kanya.

Naluluha siyang muling tumalikod, pumasok sa kotse, at ilang sandali pa, naglaho na siya sa aking mga mata.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko