54


"Mark." Hinawakan ni Kevin ang kamay ko. "Andito lang ako sa tabi mo."

Binuhat ako ng ilang tao. Isinakay sa stretcher. Isinakay sa ambulansya. Nagsimula na akong makaramdam ng takot.


* * *


Sa ospital...

Splint.

X-ray.


Initial diagnosis: Closed Proximal Fibular fracture, Complete.


Serious? "Yes," sabi ni Doc. "All kinds of fractures or broken bones are considered serious medical condition," dagdag niya.

Inilabas ulit ni Doc yung X-ray plate. Hindi ko 'yon tinignan. May sinasabi siyang dalawang kambal na buto sa paa. Ang isa doon, naputol daw.

Wala akong naging imik. Nakatingin lang ako sa kisame ng ER. Pilit nilalabanan ang nagsisimula nang sakit. Pumipintig sa sakit na kulay talong kong paa, nakaumbok at nagsisimula ng mamaga.

Si Doc ay tuloy-tuloy lang sa pagsasalita. Halos wala na akong naiintidihan sa mga sumunod na sinabi niya. Kung mayro'n man, iilan lang.

Immobilize... bla... bla... bla...

Running, jumping and sports should be resumed slowly and cautiously... bla... bla... bla... Puta!


"Doc, makakapaglaro pa ba siya ng basketball?" tanong ni Kevin na nasa tabi ko lang.

Napatingin ako kay Doc. Nakatingin din sa kanya ang tatlo ko pang kasama, nag-aalala.

Umiling si Doc.

Mas tumindi pa ang nararamdaman kong kaba.

"Usually, broken bone takes four to six months to heal. I'm sorry but you have to accept that you won't be doing the things you want, like playing basketball for a while..."

"May operation po ba? Semento?" nangangatog kong tanong. Pinagpapawisan na 'ko ng malapot sa sobrang takot.

Tinignan ako ni Kevin, nakuha pang matawa ng loko.

"Wala. Pwede ka na nga umuwi bukas basta alagaan lang mabuti 'yung paa."

Hay.


* * *


Thirteen seconds left in the shot clock...


Humanap ng papasahan. Walang makita dahil mahigpit na man-to-man defense ang bantayan.

Umaandar ang oras ng five seconds violation... five... four... three... two...

Pasang bahala na. Parang slow-mo ang paglipad ng bola pataas. Lahat ng matang nanonood ay napasunod. Napatingala lahat ng nasa loob ng hard court.

Tatlo ang tumalon para makuha ang bola.

Ang lupet ni Huget! Sabi ng commentator. Nagtayuan ang karamihan ng nanonood. Dumagundong ang buong gymansium.

Paglapag ni Kevin sa sahig ng court, agad niyang ibinuslo ang bola, medyo mabagal.


Twelve seconds left in the shot clock... eleven... ten... nine...


Gumalaw siya pakaliwa-pakanan na parang magaling na mananayaw. Bumibilis ng bumibilis ang pagbuslo ng bola. Crossover dribble mala-Kobe Bryant. Sumunod ang dalawa na naka-double team sa kanya.


Eight seconds left in the shot clock... seven... six... five...


Dumikit ang isa sa kanya. Hinawakan niya nang dalawang kamay ang bola na aktong ititira. Sumunod ang nakadikit na bantay niya sa papatalon niyang mga paa.


Four seconds left in the shot clock... three... two...


Pumeke.

Bumunggo.


One second...


Tumalon siya, nakataas ang mga kamay, hawak ang bola.

Halos kasabay ang pito ng referee na nakataas din ng kamay. Foul!

Slow-mo na naman ang byahe ng bola sa ere.

Umiikot.

Pumito ulit si Ref. Counted!

Kasunod ang mahabang buzzer hudyat ng pagtatapos ng twenty-four second shot clock.

Naihagis ni Kevin ang bola bago pa man tumawag ng foul.

Dumagundong ulit ang gymnasium. Ang ingay. Nakakabingi sa ingay.

Jersey number 19, Huget, three... points! napatayo sa kinauupuan ang dalawang commentator.

Deadlock ang score. Fifty-nine all.

Pumwesto si Kevin sa free throw line para sa bonus shot.

Nag-dribble ng ilang beses. Tumigil. Huminga nang malalim. Tumingin siya sa akin. Ngumiti.

Magaan niyang ni-release ang bola. Gaya ng kanina, sinundan 'yon ng maraming mata.

Manipis na pito ni ref. Sumenyas.

Free throw... Good!

Sixty-fifty-nine ang score. Abante ang College of Business, Commerce and Accountancy ng isang puntos laban sa College of Nursing. Nasa huling bugso na ng laban sa pagitan ng dalawang koponan para sa kampiyonato.

First round pa lang ng laglagan, nasipa na ang team ko bunsod ng sunod-sunod na pagkatalo. Nang mawala ako sa laro dahil sa injury anim na araw na ang nakakaraan, naging mailap na sa amin ang mga panalong inaasahan upang makaangat kami sa quarter finals. Pagkatapos ko, may isa pang kasamahang nagkaroon ng injury. Nagmistulang pilay ang buong team, kaya naging mailap sa amin ang tagumpay.

Nang mawala ako sa laro, agad na nagpagawa si Kevin ng bagong jersey na kanyang gagamitin. Imbis na number 23 na madalas niyang ginagamit sa mga laban, pinalitan niya 'yon ng number 19. 'Yon ang numero ko sa laro. Maglalaro daw siya para sa akin. Igaganti ako sa Team Nursing at kukuhanin ang tropeyo para sa MVP award, ang matagal ko ng inaasam.


* * *


Noong isang araw. Sa bahay.


"Hon, three years and... and six months na tayo sa saturday."

Tumango ako. Ngumiti.

"Hon, bahay na lang tayo nu'n, ha? Magluluto na lang ako ng favorite mo."

"Ah. Sige."


* * *


Mabilis na nabura ang nalalabing isang minuto at sampung segundo sa third quarter. Wala ni-isang naka puntos sa dalawang team. Fifty nine points laban sa sixty points. Bitbit pa rin ng College of Business, Commerce and Accountancy ang isang puntos na kalamangan.


Back to the ball game!


Sa pasimula ng unang bugso sa huling quarter, nagpalitan lang sa paggawa ng mabilis na basket ang magkalabang team. Sa unang tawag ng timeout, dikit pa rin sa sixty seven laban sa sixty eight ang score. Hawak pa rin nina Kevin ang isang puntos na kalamangan.

Oras? Six minutes and twelve seconds remaining.

Sa pagpasok ng mga nalalabing oras, nagbago ang takbo ng laro. Gamit ang bentahe ng maraming supporters at ang mas malalaking bench players, naagaw ng College of Nursing ang kalamangan.

Kumamada ng sunod-sunod na puntos mula sa perimeter shots ang mga Nursing dahilan upang mapako sa score na sixty eight laban sa seventy eight, pabor sa kalaban.

Tumawag ng pangalawang timeout. Susubukan nilang sirain ang momentum ng kalaban.


Nag vibrate na naman ang cellphone ko sa bulsa. Nakakailan na yun simula kanina. Ilang text at missed calls na rin siguro ang natanggap ko. Hindi ko na lang muna pinansin. Tuloy ako sa panunuod ng game.


Back to the ball game!


Si Kevin ang nagdala ng bola para sa isang opensa. Mabilis niyang naitawid ang bola sa kabilang bakod. Umikot siya sa labas at ipinasa sa mga kasama. Umikot ang bola at nagpapasa-pasa sa iba pero hirap silang ilapit sa basket ang opensa.

Bumalik kay Kevin ang bola. Wala ng natitira sa shot clock kaya napilitan siya itira ang bola.

Kumalog sa basket.

In and out. Kumawala.

Offensive rebound.

Sa kanila pa rin ang bola.

Kay Kevin ulit ipinasa at ipinagkatiwala ang pangalawang opensa. Hindi na niya hinintay na pumatak ang maraming oras at agad na nagpakawala ng tres sa labas.


Another three points for jersey number 19, Huget!


Siya 'ata ang may pinakamaraming fans. Kahit sa bakuran ng kalaban, may fans si mokong. Sikat na sikat na siya. Kilalang kilala na ang pangalan niya.


* * *


"Sorry hon, ha? Sa paghihintay."

Hindi siya sumagot.

"Happy monthsary."

Hindi ulit siya sumagot.

"Sorry na. Laban kasi nila Kevin."

"Ah. Ganon ba."

"Finals kasi ngayon."

"Finals nila. Monthsary naman natin."

"May oras pa naman, oh. May oras pa to celebrate."

"Oo nga. Mag-aalas dose pa lang naman... ng gabi."

"Sorry talaga, hon."

Hinalikan ko siya sa pisngi. Hindi siya gumanti.


* * *


Para sa 'yo 'to, Mark. Para sa 'yo 'tong MVP award.

Itinaas niya ang tropeyo at tinuro ako. Nagtinginan sa akin ang mga tao. Pinalakpakan nila ako. Gusto ko kanina maluha sa saya kaya lang maraming tao. Lumapit agad sa 'kin si Kevin pagkatapos ng awarding. Yumakap. Masayang masaya.


"Hon."

"Ha?"

"Nanonood ka ba?"

Tumango ako. "Yep."

"Kanina ka pa kasi tulala."

"Hindi."

Hinalikan niya ako sa pisngi. Hinalikan ko rin siya pero nakatingin ako sa iba. Hinalikan niya ako sa labi. Hindi ko na nagawang halikan din siya. Humalik ulit siya.

Nagulat na lang ako ng bigla siyang tumayo.

"Hon," tawag ko.

"Alis na 'ko."

"Bakit?"

"Balik na lang ako sa ibang araw. Baka bukas kapag okey ka na."

Kinuha ang bag at nagsimula nang lumakad... palayo.

"Teka."

Mabilis kong kinuha at isinuot ang air cast sa kaliwa kong paa para makapaglakad ng maayos.

Nagmadali akong bumaba.

Hinabol ko siya pero hindi ko na siya naabutan pa.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko