24
Wala ako sa sarili no'ng mga sandaling 'yon.
"Akala ko ba ayaw mo sa Jollibee?"
"Basta."
"May problema ka?"
Hindi ako makasagot sa tanong niya. Magulo ang isip ko. Napansin siguro niya ang hilatsa ng mukha ko.
"Mark, okey ka lang?" tanong niya. Nagsimula na siyang mag-alala.
"Mags, mahal mo 'ko?" seryosong tanong ko.
"Ha?"
Nagulat siya sa tanong ko. Hindi siya makasagot, halatang nagtataka.
"Kasi ako mahal kita," dagdag ko.
"Mark, ano ba nangyayari sa 'yo?" mataas ang tono ng boses niya. Nagulat siya marahil sa sinabi ko.
"Gusto ko sana tayo na," mabilis kong tugon.
"May girlfriend ka."
"Wala na 'yun. Ano, sex tayo?"
Sinampal niya ako, malakas at sigurado akong narinig 'yon ng mga tao sa paligid. Nagtinginan ang iba at ang ilan ay patay-malisya. Tinitigan niya ako nang masama, nangingilid ang kanyang luha. Bigla akong natauhan sa aking mga ginawa. Nagsimula na akong makaramdam ng matinding pagkahiya.
"Sorry, Maggie." Nakayuko ako, hiyang hiya. Wala akong mukhang maiharap sa kanya.
Bigla siyang umiyak.
"Mark, babae ako na dapat ding igalang. Akala ko, iba ka. Iba sa mga bastos na lalaki 'jan. Akala ko hindi ka tulad nila na kung tratuhin ako ay isang laruan."
Pinagpipyestahan kami ng mga matang nasa paligid, pero hindi ko 'yon pinansin.
"Sorry. Hindi ko sinasadya." Nanginginig ang boses ko.
Tumayo siya, biglang lumabas. Sinundan ko naman siya pero 'yon nga lang, hindi ko alam ang gagawin ko. Naglakad siya, naglakad palayo. Sinundan ko lang siya.
"Sorry, Maggie. Magulo lang kasi isip ko kanina," sabi ko.
Kinakausap ko siya habang naglalakad kami. Nasa harapan siya, nauuna, habang ako ay nasa likuran lang niya.
"Hindi ko inaasahan na sa 'yo manggagaling 'yun, Mark." Umiiyak pa rin siya.
Binilisan ko ang paglalakad at naabutan ko siya sa tapat ng isang walang taong eskenita, sa ilalim ng isang poste ng ilaw. Hinawakan ko siya sa kamay. Nagpupumiglas siya. Niyakap ko siya. Kumakawala pa rin siya.
"Patawarin mo ko, Maggie. Magulong-magulo lang talaga ang isip ko kanina. Ikaw ang unang pinuntahan ko dahil iniisip ko na ikaw lang ang makakaintindi sa akin, sa pinagdadaanan ko. Hindi ko talaga sinasadya na bastusin ka pero tinatanggap ko ang pagkakamali ko. Sinaktan kita at hindi man lang inisip ang mararamdaman mo. Puro sarili ko lang ang inintindi ko. Nagmamakaawa ako sa 'yo, Maggie. Patawarin mo ako."
Tumigil na siya sa pagkawala sa pagkakayakap ko. Mas lalo pa siyang umiyak kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap ko.
"Gusto kita, Mark. Gustong gusto. Pero hindi dahilan 'yun para ibaba ko ang pagkababae ko. Hindi ko alam 'yang pinagdadaanan mo pero iintindihin na lang kita. Nagagawa mo lang siguro ang lahat ng 'to dahil may mabigat kang dahilan."
Ilang saglit pa ay umupo kami sa isang tabi, hindi kalayuan sa poste ng ilaw. No'ng una, medyo naiilang pa kaming magsalita pero siya na ang bumasag ng katahimikan ng panimulang, "Sige, ilabas mo 'yan, makikinig ako." Nabubulol pa ako sa kaba no'ng simula pero nagawa ko naman ikwento ang lahat ng nangyari at pagkatapos ay niyakap niya ako, tinapik sa balikat.
"Hindi pa rin sapat 'yan, Mark, para gawin mo 'yun pero pinapatawad na kita."
"Salamat. Sorry ulit."
* * *
Ang sakit ng puson ko. Nanghihina pa ako pero pinilit kong bumangon. Ang dami kong text at missed calls na natanggap kaya isa-isa kong binuksan. Halos lahat galing kay Kevin. Oo nga pala, pupuntahan nga pala niya ako sa bahay, nakalimutan ko. Iniwan na lang daw niya 'yong pasalubong niya sa 'kin kay Yaya. Ang dami niyang text na wala man lang akong reply. Hindi ko na kasi nagawang basahin 'yon kagabi.
Masarap pa rin ang tulog ni Maggie. Magkatabi kami sa higaan. Tinitigan ko siya nang matagal. Naalala ko si Mariel. Nagi-guilty ako sa mga nangyari. Naging marupok ako. Nahihiya ako sa sarili ko. Pinagpalit ko lang siya nang ganun-ganon lang.
Tumayo ako at dumiretso sa banyo. Naligo ako. Ilang beses kong sinabon ang buo kong katawan. Nandidiri ako sa mga ginawa ko.
Nagbihis na agad ako at umalis. Iniwan ko si Maggie sa motel nang walang paalam.
* * *
Ilang beses pa tumawag si Mariel sa araw na yun pero hindi ko sinagot. Hindi dahil sa ayaw ko siyang kausapin, kung 'di wala akong mukhang maihaharap sa kanya.
Ilang beses ding tumawag si Kevin pero hindi ko rin sinagot. Nakahiga lang ako maghapon sa loob ng kwarto. Hindi ko na nakuhang kumain ng almusal at mananghalian.
Tok tok...
"Mark..."
Hindi ako sumagot.
"Mark, hindi ka ba bababa? Kanina ka pa nakakulong 'jan ah."
Nasa labas lang siya ng kwarto ko dahil naka-lock 'yon. Hindi siya makapasok.
"Ya, mamaya na lang po."
"Okey ka lang ba?"
"Opo."
"Siya nga pala, nakalimutan ko ibigay kanina. 'Eto 'yung pasalubong ni Kevin para sa 'yo."
Tumayo naman ako, naglakad, binuksan ang pintuan.
Inabot ni Yaya ang isang malaking box ng brownies.
"Ang tagal ka niya hinintay kagabi," sabi niya.
Hindi na ako kumibo kaya bumaba na rin agad si Yaya. Bumalik naman ako sa kwarto ko at kinandado muli ang pintuan. Inilapag ang box ng brownies sa tabi ng keyboard ng computer at bumalik ulit sa higaan. Ilang saglit lang ang nakakaraan, may kumakatok na naman.
"Mark, nandito si Kevin."
Hindi ako sumagot. Nagkunwari akong natutulog.
Tok tok...
"Mark, si Kevin 'to."
Hindi ulit ako sumagot.
"Mark..."
Ilang beses pa niya tinawag ang pangalan ko.
"Mark, alam ko gising ka. Text ka lang pag kailangan mo 'ko," sabi niya.
* * *
Monday...
Hindi ako pumasok sa school kahit na may test kami sa first subject. Hindi na rin dumaan si Kevin sa bahay para manundo. Maghapon lang ulit akong tumambay sa bahay. Pilit kong kinakalimutan ang lahat.
Nag-decide na akong kausapin si Mariel. Naaawa na kasi ako sa kanya. Nasa malayo siya, malayo sa mga mahal sa buhay, malungkot at nag-iisa tapos dadagdag pa ako bilang problema.
Nag-email ako sa kanya at inabot pa ng halos isang oras bago siya tumawag. Kinumusta ko siya at siya rin naman sa 'kin. Nagkukunwari akong okey na para hindi siya masyado mag-alala. Sabi niya, hindi daw siya mapakali dahil sa pag-iisip sa akin. Halata sa boses niya ang nagpatong-patong na problema na nadadala sa mga katagang sinasambit niya. Kahit milya-milya ang layo namin sa isa't-isa, alam ko, nararamdaman ko siya.
Mahigit kalahating oras din kaming magkausap. Hindi kami nagkabalikan pero at least ngayon, medyo maluwag na sa pakiramdam.
Napansin ko na nilalanggam na yung brownies na bigay ni Kevin kaya tinapon ko na 'yon sa basurahan. Sayang, hindi ko man lang 'yon natikman. Inayos ko ang aking kama at niligpit ang mga kalat sa paligid. Binukas ko kurtina ng bintana para lumiwanag. Naligo ako, nag-ahit ng bigote at balbas... nagbihis. Alas kuwatro pa lang ng hapon kaya pumunta muna ako sa baba, nakipagkwentuhan kay Yaya. Nang pumatak ang alas sais, lumabas na ako ng bahay.
"Miss, pa-order naman ng apat na B3, double go large lahat. Take out."
Tinext ko si Kevin.
Na-miss ko na si loko.