23


"Kevin... minsan hindi naman kailangan ang materyal na bagay para maging masaya tayo. Hindi mo na kailangan na palitan ang bagay na wala na. Nawala 'yun dahil mas pinili ko na makuha ang mas mahalagang bagay."

"Sorry, Mark."

"Kita mo, pati sarili mong pera nagastos mo para lang dito. Akala mo ba gusto ko 'yun?"

Hindi na siya kumibo. Nakakaawa ang itsura niya kaya minabuti ko ng iliko ang usapan.

"Salamat, Kevin," pambawi ko.

"Kung saan ka masaya, Mark Lopez III."

"Babayaran ko 'to."

"Gusto mo 'to?" sabi niya sabay lapit ng kanyang kamao sa mukha ko.

"Basta."

"Sige. Okey, para matahimik kalooban mo. Baka hindi ka pa makatulog niyan, kasalanan ko pa."

"Pero pwede bang ten gives? Tssk," sabi ko.

"Hanep, Mark. Iba ka talaga. Mukha ba 'kong bumbay?"

"Hayaan mo na. 'Wag ka na umangal."

Inabot ko yung sukli ni Jollibee sa 'kin kanina. "Oh, ayan. Unang hulog ko."

Binilang niya. Dalawang twenty peso bill at seventeen peso coins na puro tig-pipiso.

"Nako, Mark, wala na talaga ako masabi sa 'yo."

"Basta, huhulugan na lang kita."

"Open mo na 'yan. Marami nang songs 'yan."

Binuksan ko yung iPod. Marami ngang songs na laman, pero puro jurassic naman. Mas matanda pa 'ata sa 'kin ang mga kanta. Kahilig ni Huget sa mga gano'ng kanta.

"Kanino ba 'to? Sa 'kin o sa 'yo?" seryoso kong tanong.

"Oh, bakit na naman?"

"Wala. Gwapo ka kako."


*    *    *


Medyo dumadalas na kaming nagkakausap ni Mariel. Kapag off duty niya, mas mahaba kaming nagkakakwentuhan sa YM. Marami daw pumoporma sa kanya doon. Sabi ko kapag nakakita siya ng mas higit sa akin, go na siya. Siyempre joke ko lang 'yon. Tumaba na siya kaya lagi kong niloloko tuwing magkausap kami. Mukhang okey naman siya, kaya masaya na rin ako.

Si Maggie naman, close na kami. Lagi kaming magkatabi sa klase at lagi kaming magkasama lalo na 'pag laboratory. Marami silang similarities ni Mariel kaya siguro napalapit ako sa kanya nang husto. Mabait naman siya. 'Yon nga lang, medyo bastusin kasi kung gumalaw at pumorma kaya laging pinagtitinginan sa campus. Sa kanya din ako laging tumatakbo kapag wala akong assignment. Puro sablay naman kasi 'yong mga assignment na gawa ni Kevin kaya 'ayun.

Si Kevin naman, walang araw na hindi kami magkasama. Sa umaga, sinusundo niya ako. Sa tanghali, madalas kami magkasabay mag-lunch. Sa hapon, lagi ko siyang bitbit sa tambayan ng mga HRM students. Sa uwian, lagi kaming naghihintayan, at sa gabi, madalas nasa bahay siya para manggulo.


*    *    *


Saturday.

Walang pasok. May basketball sana ako kasama ang mga kaibigan sa HRM pero mas pinili ko na lang mag-stay sa bahay. Ewan ko ba parang medyo masama ang pakiramdam ko. Nag-Dota na lang ako at nanood ng TV maghapon. Sa gabi na lang daw ako pupuntahan ni Huget dahil isinama siya ng mga magulang niya sa isang family gathering. Meron naman daw siyang uwing pasalubong para sa akin. Hahaha!

Alas seis na ata. Pagabi na. Maliligo na sana ako nang may biglang tumawag. Akala ko si Kevin pero si Mariel pala.


Lopez, kumusta?

Oy, napatawag ka? Akala ko nakalimutan mo na 'ko.

Pwede ba naman 'yun.

Ikaw, kumusta ka?

Okey lang. May sasabihin sana ako sa 'yo.

Ano 'yun?

Mabigat ang bawat kataga na binibigkas niya kaya alam kong may dinadala siya. Mas lalo akong kinabahan nang magsimula siyang umiyak. Ang layo ng pagitan namin pero parang kasama ko lang siya. Ang bilis ng mga pangyayari. Nagulat ako. Hindi ko alam kung ano ang dahilan. Naiinis ako sa sarili ko dahil wala akong magawa. Hinayaan ko lang siya. Nakinig lang ako at hindi nagsalita. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Sobrang kaba ang nararamdaman lalo na nang marinig ko na ulit ang boses niya.

Siguro maganda kung itigil muna natin kung ano man ang namamagitan sa atin ngayon. Nahihirapan kasi ako na makapag-concentrate dahil lagi kita naaalala. Iniisip ko kasi na kung lagi tayong may communication, mas lalo akong maho-home sick dito. Baka hindi ko kayanin at mauwi ako 'jan nang biglaan. Ilang months na rin ako dito pero lagi pa rin akong dinadalaw ng sobrang lungkot. Matagal ko na 'tong pinangarap Mark dahil gusto ko bigyan muna ng magandang buhay ang pamilya ko. Pinangako ko sa sarili ko na pagsisilbihan ko muna sila bago ako. Kung itutuloy ko ang relasyon ko sa 'yo, baka hindi ko kayanin Mark. Masisira lahat ng plano ko. You know how much I love you, Mark. Sana maintindihan mo.

Okey lang ang naisagot ko. Binaba ko ang telepono. Biglang huminto ang mundo ko. Wala akong maramdaman, wala. Namanhid na 'ata ang buo kong katawan sa sakit, sa hapdi. Para akong sinakluban ng kalungkutan. Tumatawag ulit siya pero parang wala akong naririnig. Hindi ko maigalaw ang aking katawan dahil hinaharang ng isip ko ang sobrang emosyon na binabato ng puso ko. Hindi ko na kinaya. Bumagsak ang luha ng isang Mark Lopez. Parang akong batang nag-iiyak. Hindi ko 'ata kaya.

Ilang oras din akong nakatingin lang sa iisang direksyon. Lumilipad ang isip ko. Hindi ko alam kung saan patungo. Ilang saglit pa ay tumayo ako at dumiretso sa banyo. Naghilamos at tumingin sa salamin. Huminga ako nang malalim at sinabi sa sarili kong kaya ko 'to. Ayaw kong tignan ang sarili ko bilang mahina pero sumasagi pa rin sa isip ko ang kalungkutan kahit pilit ko man itong labanan. Lumabas ako ng banyo. Ako pa. Astig 'to kako.

Kinuha ko agad ang cellphone ko.

Hello Mags. Saan ka ngayon? text ko.

Nagreply naman agad siya.

Dito lang sa bahay. Bakit?

Pwede ba tayo magkita?

Ngayon na? Gabi na ah.

Oo.

Hmmm. Sige bihis lang ako.


I checked my wallet. 'Ayun, buti na lang may isa pa...

Isa pang condom.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko