25
Nakaupo lang ako sa loob ng balwarte ni Jollibee, dala-dala ang tinake-out ko, hinihintay ang reply ni Kevin. Lumipas ang ilang minuto pero wala pa rin siyang sagot kaya minabuti ko na siyang tawagan.
The network you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try again later.
Nag-stay pa rin ako sa loob, nakaupo mag-isa. Naghintay pa rin. Nagbabaka-sakaling mag-reply pa rin siya.
Beep. Beep.
Excited akong tignan kung sino ang nag-text. Hindi si Kevin, kun' di si Yaya. Bakit kaya? Madalang lang kasi magtext si Yaya, at 'pag nag-text 'yon talagang buong-buo ang mga words. CAPITAL letters lahat.
Mark, san k? Uwi ka d2 haws now. Important.
Bakit yah?
Basta uwi kna. Wait kita. Ge bye.
Ano kaya problema no'n? Si Yaya ba talaga ang may text no'n? Tinignan ko ulit. Baka kasi nagkamali lang ako ng tingin sa sender. Siya nga. Si Yaya nga.
Naghintay pa ako ng ilang saglit at nang halos isang oras na akong nakaupo at parang tangang naghihintay sa wala, nag-decide na akong umuwi. Ibibigay ko na lang kay Yaya 'yong tinake-out ko.
Hindi agad ako makapasok sa bahay dahil sinusubukan kong pakiramdaman ang paligid. Mukhang normal naman, parang dati lang, kaya pumasok na ako. Agad kong hinanap si Yaya. Nakita ko siya sa kusina, inaayos ang lamesa. Mukhang okey naman, nakangiti pa nga e.
"Ya, bakit po?"
"Oh, Mark, kanina ka pa namin hinihintay."
"Namin?" pagtataka kong tanong. Nakita ko ang ayos ng lamesa, pang-tatlong tao ang nakahanda sa hapag kainan.
"Basta," maikli niyang sagot.
"Ya, dalawa lang tayo dito sa bahay. Bakit tatlo 'yung plato mo?"
"Ay, oo nga pala. Yaan mo na 'yan 'jan. Ililigpit ko na lang mamaya pagkatapos natin kumain."
"Ya, eto pala oh. Jollibee para sa 'yo."
"Salamat, Anak. Bakit ang dami 'ata nito?" Tuwang-tuwa siya.
Hindi ko na sinagot ang tanong niya.
"Ya, pan'ik lang po ako sa taas saglit."
"'Wag na, Mark. Umupo ka na 'jan. Kakain na tayo."
Nakakahiya naman sa kanya. Naghanda siya ng dinner para sa 'min tapos dededmahin ko lang. Kahit hindi pa ako nagugutom, umupo na agad ako. Nagsandok na ng kanin si Yaya. May softdrinks pa na paborito ko. Alam kong ayaw 'yon ni Yaya kaya madalang kaming uminom no'n sa bahay. Sunod na inilabas ni Yaya ang ulam. Adobo.
"Ya, lumulutang sa mantika adobo mo," puna ko.
"'Di ba paborito mo 'yan?"
"Ha? Hindi ah. Si Kevin ang may paborito niyan."
Biglang ngumiti si Yaya kaya mas lalo pa akong nagtaka. Umupo na rin siya sa harap. Handa na kaming kumain.
Nagulat ako nang biglang may magtakip ng aking mga mata. Nanggaling 'yon sa likuran ko kaya hindi ko agad napansin. Ang laki ng kamay. Nagawa noong takpan ang halos buo kong mukha. Mukha bang bola ang ulo ko?
"Sino ba 'to?" naiirita kong tanong.
"Hulaan mo." Ang laki ng boses niya.
Gago ba. Gawin pa 'kong manghuhula. Pinilit kong alisin ang kanyang kamay pero ang lakas niya. Wa-epek ang ginawa ko.
"Ayo' kong makipagbiruan," sabi ko.
"Wala ka naman pala eh. Ang bilis mo sumuko." Nagbago ang boses niya, ngayon ay pamilyar na.
Bumitaw siya.
"Putek, parang nadurog ang mukha ko," sabi ko.
"O.A. mo, Mark."
Umupo siya sa tabi ko. Para sa kanya pala ang platong hinanda ni Yaya. Kinuskos ko ang aking mga mata at ibinaling ang tingin sa kanya.
Si Kevin pala. Naka-school uniform pa.