3


San kana?

Hon.

Text ka naman.

Sagutin mo naman tawag ko hon.

Anong oras na.


Oo nga, nakalimutan ko, may usapan nga pala kami ni Mariel ngayon. Agad kong tinignan ang oras. Alas tres na pala. Pitong oras na 'kong late sa date. Putek.

Mamaya ko na lang siya siguro itetext. Iisip pa ako ng magandang palusot.

In-off ko agad ang cellphone ko. Hindi ko na binasa ang iba pang text messages galing sa ibang sender.


*             *             *


"Mark, anong oras ka na umuwi kagabi?" bungad ni Yaya habang pababa ako ng hagdan. Siya naman ay nakaupo sa sala habang nanonood ng TV.

"Hindi ko na po matandaan," sagot ko.

"Gano'n ba? Sige, kumain ka na 'jan."

"Ya, ano ba ulam natin?"

"Pinakbet."

"Sige, Ya. Busog pa 'ko."

"Ikaw talaga bata ka. Kumain ka ng gulay. Sige ka, isusumbong kita sa mama mo."

"Basta, Ya, next time. Sige po, alis na 'ko."

"Sa'n ka na naman pupunta, ha?"

"Kukunin ko lang 'yung motor ko. Naiwan ko kagabi sa ibang bahay."

"Nako, Mark. Baka kung ano-anong kalokohan 'yang mga pinaggagawa mo, ha?"

"Ikaw naman, Ya."

"Anong oras ka uuwi mamaya?"

"Hindi ko po alam. 'Wag niyo na 'ko hintayin."

Hinalikan ko siya sa pisngi sabay sibat nang mabilis.

Matagal na namin siyang kasama sa bahay. Noong magdesisyong lumipat sa Canada ang buong pamilya—pwera ako—para manirahan, kaming dalawa na lang ang laging magkasama sa bahay. Kaya, parang nanay na ang turing ko kay Yaya Rosie. Lagi niya akong pinagtatakpan sa mga kalokohan sa nanay ko. Siya lagi ang kakampi ko kahit noon na nandito pa ang buo kong pamilya. Kapag papaluin ako nung bata ako, sa kanya ako madalas tumakbo.


*             *             *


Madali ko namang nakuha ang iniwan kong motor. Nalasing kasi ako kagabi. Naparami ang inom, kaya mas minabuti ko na lang na magpahatid sa isa kong kasamahan sa bahay.

Dumaan ako sa isang Jollibee malapit sa amin.

"Miss, dalawang order ng B3, double go large, dine-in at isang order ng B1, regular coke and fries, take out 'yun."

"Okey, sir."

"Miss, teka."

"Sir?"

"Jen pala pangalan mo."

"Bakit po?"

"Sa name tag mo."

"Ah. Yes, sir."

"Bago ka dito, 'no?"

Tumango siya. Nagtataka ang reaksiyon niya.

"Ngayon lang kasi kita nakita e."

Ang ganda ng ngiti niya. Napangiti na rin ako sa kanya. Kumpleto na naman ang araw ko. Hay. Hanep lang sa trip.

Madalas akong kumain kay Pareng Jollibee. Minsan kasama ko si Mariel o kaya ibang mga kaibigan, pero madalas ako lang mag-isa. Dito ako lagi tumatambay kapag walang magawa sa bahay o sa buhay-buhay.


*             *             *


Habang nasa byahe papunta sa ospital kung saan nagtatrabaho si Mariel...


Mabilis ang takbo ko sa daang halos walang sasakyan. Mabilis din ang takbo ng isip ko na gumagawa ng isang malupit na palusot. Sigurado kasi na nagtatampo ngayon si Mariel sa hindi ko pagsipot kanina. Malay ko ba na hindi ako magigising. Hay.

Hindi ko napansin ang malaking truck na kasunod ko. Nawala sa isip ko. Nakatutok na pala ako masyado sa likuran ng sasakyan. Nag menor naman agad ako pero biglang nawalan ako ng control sa manibelang hawak ko. Huli na ang lahat dahil pabagsak na ang motor na sakay ko kaya minabuti ko na lang 'yon na kabigin pakanan. Sumadsad sa gilid ng daan. Kung mamalasin ka nga naman.

Tumilapon ako may ilang metro mula sa pinagbagsakan ng motor. Nakapahiga ako sa gilid, sa damuhan. Nakatingala lang sa itaas. Natatakot akong bumangon para tignan ang katawan ko. Kinakabahan akong baka may tama o kung ano man.

Bata pa ako at marami pa akong gustong gawin sa buhay ko. Kung ito ang pangalawang buhay ko, pinapangako ko magpapakabait na 'ko.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko