4


Ilang sandali pa, nagsimula nang magsilapitan ang mga tao. May mga agad na aktong tutulong para buhatin ako pero tumayo na 'ko mag-isa. May ilan akong natamong mga gasgas sa iba't-ibang parte ng katawan pero okey lang. Ang mahalaga, buhay pa rin ako.

Itinayo ko mag-isa ang motor ko. Hinaplos ang gasgas niyang mukha. Kinausap ko siya ng mahina. Hindi ko na masyadong pinansin ang mga tao na nag-uusisa at agad naming nilisan ang lugar na parang walang nangyari.


*             *             *


"Hon, sorry."

Niyakap niya ako. Naluluha siya nang makita ako.

"Mag-ingat ka kasi."

"Galit ka ba?"

"Ano ka ba. Wala 'yun. Mahal na mahal kita, Hon."

"Salamat, Hon."

Dinala niya ako sa emergency room para linisin ang natamo kong mga sugat. Mababaw lang naman daw ang mga 'yon kaya walang dapat ipag-alala.

"O teka... teka. Ano 'yan?"

"Para 'yan sa tetano."

"Ayo' ko ng karayom."

"Ano ka ba, Hon? Saglit lang 'to."

"Ayo' ko n'yan."

"Kapag ikaw ang natetano, mas malala pa 'jan ang mangyayari sa 'yo."

"Wala na bang ibang paraan para mabigyan ako ng gamot na 'yan?"

"Pumikit ka na."

Kinuha ni Mariel ang isa kong braso. Wala na akong nagawa. Pumikit na lang ako.

"Aray!"

Pagkatapos ay niyakap ulit ako ni Mariel. Nahiya ako sa kanila... sa ibang nando'n.


*             *             *


Awarding ceremony...


Nagsisimula na ang programa nang dumating ako. Agad kong nilapitan ang mga kasamahan kong lahat ay masayang-masaya na nakaupo sa harap ng entablado. Agad nilang napuna ang ilang mga sugat at gasgas ko sa katawan.

"Oh, Mark, ano nangyari sa 'yo? Bakit puro gasgas ka sa braso?" tanong ni coach. Lahat ng kasama ko sa team nakatingin sa akin.

"Wala 'to," mabilis kong sagot.

"Mark, grabe naman kayo maglabing-labing. Gasgas kung gasgas ah," biro ng isa kong kasama. Nagtawanan silang lahat.

"Gago ka. Tumahimik ka."

"Sorry, Bro. Biro lang."

Inakbayan ako ni coach. "Mark, easy lang."

"Sorry," sabi ko.

Nagkamayan kami. May pagkapikon ako at mabilis uminit ang ulo. Minsan nadadala ko sa labas ang ugali ko sa loob ng basketball court.

Ilang sandali pa, isa-isa nang tinatawag ang mga runner-ups. Nagsimula sa ikatlong pwesto at sinundan ng ikalawa na nakaharap namin sa huling laban para sa kampiyonato.

Ang gabi ay para sa amin. Kami ang huling team na umakyat sa entablado. Masaya kaming lahat, buong grupo, lalo na ako dahil ito ang kauna-unahang malaking panalo ko simula noong matuto akong maglaro ng basketball labindalawang taon na ang nakakaraan.

Kinakabahan ako hindi dahil sa maraming taong nanonood, kun' di sa napipintong pag-aanunsiyo ng Most Valuable Player award. Bata pa lang, pinangarap ko nang magkaroon ng gano'ng award sa basketball. Lahat naman ng basketbolista, 'yon ang inaasam-asam na makuha.

Isa-isang tinawag ang mga bumubuo sa mythical five. Dalawang kasama ko sa team ang napasama at galing naman sa ibang grupo ang tatlo na bumubuo sa limang pinakamamagaling na manlalaro ng buong liga, kasama ng hari ng hard court, ang MVP.

Mabilis na inisa-isang tinawag ang apat at sa panghuling pangalan, naging kakaiba ang nakagawiang pagpaparangal. Ang laki ng atensiyong nakuha ng panlima. Special mention kasi siya. Special mention ang mga nagawa niyang mga numero sa buong tinakbo ng laro. Siya daw ang nagtala ng pinakamalaking puntos sa kasaysayan ng ligang yun. Lahat siya. Lahat ng mata nakatutok sa kanya. Isang malaking sampal yun sa tatanghaling MVP ng torneyo dahil ang atensiyon na dapat sana sa kanya ibigay, nakuha na ng iba. Panandaliang tumahimik ang paligid ng simulan nang ipakilala ang bugbog sarado ng MVP.


May average points per game daw na twenty-two. Parang hindi naman ako.

Mainitin daw ang ulo pero epektibo sa dikitang mga laro. Totoong mainitin ang ulo ko pero hindi naman ako epektibo sa lahat ng laro.

Most defensive player daw ng buong torneyo. Alam kong balasubas ako sa loob ng court, may pagka-kalye ang laro pero parang hindi naman ako ang tinutukoy dito.


Naghihintay pa ako ng ibang sasabihin ng tagapagpakilala pero wala nang sumunod bukod sa tatlong kategoryang yun. Nagbibiro ba sila? Di hamak na mas maganda ang mga numerong nagawa ng isang Kevin Huget na isa sa mythical five. Lider daw sa points at assist. Best shooting guard daw ng liga at bla bla bla.

Dumagundong ang sunod-sunod na pagpalo sa mga drums. Sinabayan ng nakakakabang sounds. Lumakas ang hiyawan pero mas nakakabingi ang pagkabog ng aking dibdib sa kaba. Pagkatapos no'n, wala na akong narinig. Para akong nanonood ng TV na naka-mute.

Tinapik ako ng mga kasamahan ko. Muli, nakabalik ako sa maingay na gymnasium. Natulala pala ako nang ilang segundo.

"Hoy, Mark..."

"Ha?"

"Akyat na. Tulala ka na naman. Kanina ka pa tinatawag du'n sa stage."

"Ah..."

Niyakap ako ng mga kasamahan ko. Ang gulo nila. Ang gulo ng buong grupo. Todo ang ngiti ko nang tanggapin ang kauna-unahan kong MVP trophy. Ganito pala ang pakiramdam. Para akong nasa cloud nine sa saya.

Sana nandito sila. Ang pamilya ko. Ang mga magulang ko para sabihin nilang proud sila sa akin. Sana nandito sila para makita nila kung gaano kadaming tao ang pumapalakpak sa anak nila. Baka sakaling magbago ang isip nila. Baka sakaling baguhin nila ang sinabi nila noon na wala akong mapapala sa basketball.

Umalis ang buong pamilya ko pero hindi ako sumama. Mas pinili kong mag-stay dito sa Pilipinas dahil nandito ang hilig ko. Nagkalayo ang mga loob namin simula noon. Bata pa lang ako, nakaplano na daw ang buhay ko. Buhay na gusto nila para sa akin. Malayong malayo sa buhay na tinatahak ko ngayon. Buhay na puro gala at lakwatsa. Toma at barkada. Pag-aaral na basta-basta. Kain-tulog at bola. Hanggang ngayon kasi, 'yon ang lagi nilang sinasabi. Kahit na milya milya ang layo namin sa isa't-isa, feeling ko, lagi silang nakabantay. Hay. Bahala na nga. Hindi ko na lang siguro ibababalita yung tungkol sa MVP na 'yan. Baka imbis na matuwa sila, mapagalitan pa 'ko nang wala sa oras.


*             *             *


"Mark, mag-sapatos ka na," sabi ni coach.

"Wala akong dala. Hindi ko alam na may game pala."

"Humiram ka muna. Kanina ka pa namin kasi tinetext eh."

"Ah..." Oo nga. Hindi ko kasi binasa mga text nila. Patay.

"Nagre-request sila Gob ng isang exhibition match. Team natin kasama yung tatlong nasa mythical five galing sa ibang team. Kalaban natin yung selection ng siyam na team."

"Mamaya nalang ho siguro ako papasok."

"Pumasok ka. First five kayo nila Huget."

"Wala akong sapatos."

Napakamot ng ulo si coach. Natawa naman ang ibang kasamahan ko.

"Ako meron," sabi ng isa. Si Huget.

"Ha?"

"May dalawa akong sapatos na dala. Size ten."

"Nakakahiya naman, pare."

"Sus. Lagi talaga akong may extra shoes na dala sa bag," sabi niya.

Kinuha niya yung Nike na basketball bag. Binuksan at ipinakita ang nasa loob. Tinuro niya ang suot niyang sapatos at ang sapatos na nasa loob ng bag.

"Ano? Ano gusto mo?" tanong niya.

Suot niya, yellow and white Nike Zoom Kobe I. Yung nasa bag, Air Max na Hardwood Classic Style ng Nike, kulay orange.

Napakunot-noo ako. "Eto na lang," sabi ko sabay turo ng sapatos na nasa bag.

Imbis na ibigay niya sa 'kin 'yong nasa bag, agad niyang hinubad ang kasalukuyan niyang suot. Ibinigay sa 'kin. Nabigla ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin.

"Oh, ayan. Wala akong athlete's foot," sabi niya.

Tinapik niya ako sa balikat at biglang umakbay.

"Tol, malakas pumuntos 'yang sapatos na 'yan. Plus mo na 'yan," nakangisi niyang sabi.

Napangiti na lang ako. Ngiting aso. Akala ko kasi mayabang at seryoso, loko-loko din pala itong taong 'to.

"Pataasan tayo ng score. Ilibre mo 'ko kapag mas marami akong nagawang puntos. Ililibre naman kita kapag mas marami kang nagawa kesa sakin. Call?"

"Sige, pare. Call," pagsang-ayon ko habang sinusuot ang sapatos na pinahiram niya.

"Game!"


Mahabang buzzer.


Mahabang pito ng referee.


Isa-isang naglakad ang mga player ng magkalabang team papunta sa gitna ng court. Gumawa ng dalawang mahabang linya na magkaharap. Nagkamayan sa isa't-isa tanda ng isang friendly match. Tinawag ng referee na may hawak ng bola ang team captain ng magkabilang team. Tinuro ako ni Huget. Wala na akong nagawa kun' di lumapit. Ako ang naging kinatawan ng grupo sa ceremonial toss.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko