2
Pagkalipas ng dalawang oras.
Sa bahay ni Mr. Cheng...
Victory party. Buong team kumpleto, kasama ang mga sponsors namin. Bumaha ng alak at pagkain. Kami ang itinanghal na kampiyon ng inter-commercial basketball tournament.
Pumasok ang last bonus shot ko, dahilan upang makuha namin ang isang puntos na kalamangan sa kalaban. Hindi na nila nagawang hablutin ang kalamangan sa nalalabing tatlong segundo.
Kumamada ako ng bente-nuebeng puntos. Career high ko sa isang official game. Bukas ang awarding. Sana makuha ko ang matagal ko nang pinapangarap na titulong Most Valuable Player.
* * *
Congrats, Lopez.
Salamat, Santos. Sayang hindi mo napanood ang laro ng hon mo kanina.
Oo nga e. Hayaan mo next time, Hon. Teka, nasa'n ka ba ngayon? Ang ingay 'ata.
May konting celebration lang.
Inuman?
Konti lang naman.
'Wag ka uminom nang marami, ha?
Yes, boss.
Anong oras ka uuwi?
Maya-maya lang.
Ayan na naman 'yan.
Hon, baka hindi na kita masundo mamayang eleven.
Okey.
Kita na lang tayo bukas. Labas tayo.
Anong oras?
Mga seven or eight ng umaga.
Okey.
I love you.
Love you too.
Call ended.
Mariel Santos. Siya ang girlfriend ko. Isa na siyang licensed nurse. Kasalukuyag nagtatrabaho sa isang malaking hospital. Halos three years ang agwat ng edad namin. Twenty-two siya, ako naman ay nineteen. First year HRM student ako nang maglakas-loob akong manligaw sa noo'y Miss St. Jude University. Simple lang siyang babae. Madalas walang make-up at simpleng mag-ayos pero nagagawa niyang paikutin ang mundo ng maraming lalaki. Mahilig siya sa basketball kaya ginamit ko yun na bentahe upang maipanalo ang laban, para masungkit ang kanyang matamis na oo. Tatlong taon na ngayon ang aming relasyon. Sana kami na hanggang sa huli.
* * *
Kinabukasan...
Nagising ako sa init. Tumatama ang araw sa balat ko. Bumangon ako. Kung anong suot ko kagabi, suot ko pa rin hanggang ngayon. Hinubad ko agad ang pantaas na jersey kong amoy pinaghalong pawis at alak. Naalala ko ang nagdaang gabi na inuman at puro tawanan. Maraming usapang paulit-ulit, halos lahat ay kwentong hinugot sa nagdaang laban. Napapangiti pa rin ako sa kasayahan. Sana, magtuloy-tuloy hanggang mamaya. Hanggang sa awarding. Sana, ako ang makakuha ng titulong MVP.
Nilinga ko ang mga mata ko. Naalala ang cellphone ko. Hinanap. Kinapa ko kung saan-saan. Nasa ilalim lang pala ng unan. Agad kong tinignan, binuksan.
Ang daming text messages at missed calls. Sa mga kasamahan ko sa basketball team, sila coach, pero karamihan ng mensahe galing kay Mariel.