51


Habang bumabyahe papuntang Mines View Park.

"Oy, Mark."

Inaantok na naman ako. Hindi ko namalayan, unti-unti na pala bumabagsak ang mga mata ko.

"Inaantok ka na naman?"

"Kakakain lang kasi saka ang lamig." Hihikab-hikab. "Nakakaantok," dagdag ko.

"Iba ka talaga, Mark. Lupet mo."

"Kevin naman... Sino ba naman ang makakatiis na 'wag aantukin kung ang mga kanta na naririnig mo ay mga sinaunang awitin. 'Yang mga favorite mong kanta, mas matanda pa sa 'tin 'yan eh," sabi ko.

In-eject niya 'yong CD sa stereo at pagkatapos ay inilagay niya sa radio. Humanap ng FM station.

"Oh, ayan, Boss," sabi niya pagkatapos.

Hindi ko na siya sinagot. Napapikit na 'ko sa antok.

Ilang sandali pa.

Biglang may nag-ring. Cellphone ko. Nagising ako. Si Mariel, tumatawag.


Oh.

May pinuntahan lang ako.

Si Kevin.

Mamaya uwi na rin ako.

Ha?

Okey.

Sige. Bye.


Call ended.


"Mariel?" tanong agad ni Kevin.

Tumango ako habang binabalik ang cellphone sa bulsa ko.

"Hinahanap ka na 'ata?"

"Hindi naman."

"Ah."

Babalik na sana ako sa pag-idlip ng bigla siya ulit nagtanong.

"Mark, anong regalo ibinigay mo kay Mariel?"

"Roses," sagot ko. Bagsak na ang ulo at nakapikit na ulit ako.

"Roses?"

"Yep." Pahina na nang pahina ang boses ko.

"Bakit?"

"Favorite niya 'yun."

"Bakit sa akin jersey?"

"'Di ba nga maka-Kobe ka? Favorite mo rin 'yun."

"Kahit na mahal? Kahit kapusin ka pa sa pera? Bibilin mo pa rin?"

"O... o..."

"Bakit?"

Napadilat ako. Napakunot-noo.

"Ang dami mo naman tanong, Kevin. Anong bakit?"

"Bakit mo ginagawa 'to?"

"Ang alin ba?"

"'To"

"Kaibigan kita."

"Ginagawa mo ba 'yun sa iba mong kaibigan?"

"Hindi."

"Eh bakit ako?"

Napabuntong-hininga ako. Napakunot ulit ng noo. Napakamot ng ulo. Natigilan ako ng ilang segundo. Ano ba 'to, para akong may kausap na toddler. Lahat na lang tinanong.

"Iba ka eh," matipid kong sagot.

"Pa'nong iba?"

Hindi ako nagbitaw ng kahit anong salita. Tinitigan ko lang siya ng seryoso.

Napansin niya 'yon. Nagmenor siya. Ipinarada niya ang sasakyan sa gilid ng daan.

Nanatili lang siyang nakatingin sa harapan. Hindi niya ako nililingon. Ang lamig pero parang ibig niyang pagpawisan.

"Mark, bakit gano'n? Bakit may batas pang dapat sundin sa pag-ibig?" Mahina ang boses niya. Kilalang-kilala ko na siya. Alam kong nahihiya siya sa mga sandaling 'yon.

Nakuha ko naman ang sinabi niya kahit papa'no pero iba ang naging sagot ko.

"Hindi kita naintindihan."

"Sana nakatira tayo sa mundo kung saan pwede mong mahalin ang kahit sino." Paputol-putol ang pagbigkas niya. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano.

Pinag-aralan ko mabuti sa isip ko ang sasabihin ko.

"'Wag mo na hanapin pa yang sinasabi mong mundo dahil sa panaginip mo lang 'yun makikita. Sa mga kwentong pambata lang 'yun pwedeng mangyari. Hindi dito. Hindi kahit kailan."

"Susunod ka ba sa batas nila?" Ang dami niyang tanong. Ang lalalim ng mga tanong. Naninibago ako sa kanya. Parang ibang tao ang kausap ko. Parang hindi si Kevin na puro kautuan lang kanina.

"Hindi ko ulit nakuha."

"Yung batas ng pag-ibig. Hehe." Pinipilit niyang tumawa. Halata naman kasi siya. "Batas na nagsasabing ang lalaki ay para sa babae at ang babae ay para lamang sa lalaki. Gano'n. Kuha mo?" dagdag pa niya. Nabubulol pa rin siya.

Nagsimula na akong kabahan sa kanya imbes na matawa.

"Oo," sagot ko.

"Susunod ka?"

"Oo."

"Dahil gusto mo?"

"Ikaw. Noong nagpaalam ka. Noong iniwan mo 'ko. Umalis ka ba dahil gusto mo?" Ibinalik ko ang tanong niya sa kanya dahil hindi ko kayang sagutin 'yon ng diretso sa sarili.

"Hindi."

"Alam mo Kevin, tanggap ko naman na kahit kailan hindi pwedeng maging tayo. Kung gano'n talaga, hindi ko na 'yun ipipilit pa. Kung hindi kita pwedeng mahalin sa paraan na bawal, mamahalin kita sa ibang paraan. At 'yun ang ginagawa ko. Kaya ngayon magkasama pa rin tayo. Bilang isang matalik na kaibigan. Hinding hindi kita iiwan."

Humarap na rin siya sa akin. Pulang pula ang kanyang mukha.

"Hindi mo ba napapansin?"

"Na alin?"

"Habang tumatagal nagiging emo na tayo."

"Napag-uusapan lang naman, Kevin."

"Dati kasi ikaw lang ang madrama. Ngayon, pati ako nadamay na."

"Kumana ka na naman, Huget. Seryosang usapan, bigla ka sisingit ng ganyan. Ikaw nga itong nagsimula."

Napangiti siya at kasunod ay tumawa na nang malakas. Nabasag na ang seryosong usapan.

"Mark."

"Ano? Hihirit ka na naman ng walang kwenta?"

Hindi pa rin mawala-wala ang ngiti niya.

"May ipapakita ako sa 'yo."

"Loko ka, Kevin. Kapag 'yan walang kwenta, bubugbugin kita."

"Ng alin? Ng pagmamahal? Hahaha! Saka ko na nga ipapakita. Baka kasi maiyak ka pa."

"Hanep. Tara na nga. Humahapon na. Mahirap na bumaba kapag ginabi tayo sa daan."

"So nagpaparinig ka?"

"Ano?"

"Over night? 'Yun gusto mo? Dito? Sa Baguio?" sabay kindat ni loko.

"Tara na, kako, para makauwi na tayo."

"Miss na miss mo na siguro ko 'no?"

"Tara na."

Mag-aalas dos na ng hapon ng marating namin ang Mines View Park. Ang tagal namin humanap ng paparadahan. Puno ang mga parking spaces sa paligid. Mas marami palang tao kapag holiday. Mga dalawang daang metro 'ata ang layo ng pinagparadahan namin mula sa bunganga ng Park.

Paglabas namin ng kotse, nakaramdam agad kami ng kakaibang lamig. Mas malamig kaysa kanina. Marahil ay papahapon na.

Pumasok ulit siya sa kotse para kuhanin ang jersey na bigay ko sa kanya. Inabot niya sa akin.

"Oh."

"Ano gagawin ko 'jan?"

"Isuot mo. Idoble mo sa suot mo."

"Bakit nga?"

"Malamig na. Baka sipunin ka pa."

"Sa 'yo na. Ikaw nga 'etong mahina ang katawan."

Naglakad siya. Lumapit siya sa akin. Hindi ko na naman napansin, nasakal na naman ako ni Huget.

"Oy. Nakakahiya, loko. Bitawan mo 'ko."

"Isuot mo na."

"Sige. Oo na."

"Good."

Ako ang taong hindi pwede i-manipulate ng kahit sino. Pero pagdating sa kanya, hindi ko na 'yon napapanindigan pa. Ewan ko ba kung bakit.

Naglakad na kami papunta ng Parke. Diretso na agad kami sa loob, sa dulo, kung saan maraming tao. Sa gawi ng higanteng bato na nakaharap sa tanawan ng Mines View.

"Mark. Naalala mo ba yung bracelet na binigay mo? 'Di ba dito mo 'yun binili?" tanong niya. Parehas kaming nakasandal sa malaking bato.

"Oh."

"Wala na 'yun. Hindi ko na 'yun isusuot pa."

"Eh di ayos. Eh di kasaya pala kung gano'n."

"Sus. Halatang halata ka Mark."

"Tara na. Umuwi na tayo. Baka nasimot na lahat ng gamit namin ng mga akyat-bahay."

"Ayan ka na naman. Binabago mo na naman usapan."

"Ano gusto mo sabihin ko? Ano gusto mo mangyari?" Napalakas 'ata ang boses ko. Ang dami pa namang tao. Bigla akong nahiya. Putek.

Napangiti siya. Ngumiti na naman ng nakakagago. Lalo lang akong nainis.

Umupo siya sa di kalayuan. Sa bandang gitnang upuan na may bubong na pabilog. Sumenyas siya. Inaaya niya akong tumabi sa kanya. Hindi ako lumapit.

Tumayo ulit siya. Nilapitan ako. Inakbayan ako. Wala na akong nagawa kundi sumama.

"'Di ba sabi ko sa 'yo, huling bagay na aalisin ko sa katawan ko yung bracelet na bigay mo?"

"Paulit-ulit na lang..."

"Pssst. 'Di ba sabi ko kanina, may ipapakita ako sa 'yo?"

Bahagya niyang itinaas ang kanan niyang paa.

"Mahiya ka Kevin. Dito mo pa ididisplay 'yang madumi mong paa."

"Nakikita mo ba 'yan?" Tinuro niya 'yong nakasulat sa kanyang kanang paa. Sa pagitan ng sakong at bukung-bukong, nakapaloob. Parang maliit na ibig magsugat. Namumula 'yon. Hindi ko gaanong makita.

"Letter M 'yan. Sariwa pa kasi kaya nahihirapan ka pang makita," sabi niya.

Ibinaba niya 'yong kanan at sunod na itinaas ang kaliwa. Gaya ng nauna, may isang letra rin do'n nakasulat. Namumula din at ibig-ibig magsugat. Letter K ang nakasulat.

"Anong kalokohan naman 'yan Kevin?" singit ko.

"Permanent tattoo yan, Mark. Letter M for Mark, K for Kevin. Hehe."

"Baduy mo."

"Hahaha! Basta... Kahit saan ako magpunta, lagi na kitang kasama."


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko