52


Hindi halatain ang tattoo. Halos isang sentimetro lang ang laki at hindi mo agad mapapansin kapag nilapitan ng tingin. Ewan ko, dahil siguro sariwa pa 'yon. Pero kahit na, hindi ko pa rin sukat akalain na magagawa niya 'yon para sa akin.

Nagsisimula nang umihip ang mas malamig na hangin. Kumakapal na rin ang mga ulap na unti-unti tumatakip sa manipis na liwanag ng araw. Pasado alas dos pa lang ng hapon pero parang sabik na sabik nang pumasok ang gabi. Ganito pala kapag Disyembre sa Baguio.

"Tara na?" aya niya.

"Five more minutes," sabi ko.

Pinagmasdan kong mabuti ang paligid. Ninamnam ko ang bawat segundong nalalabi ko sa Baguio. Ang lugar kung saan nagsimula ang lahat.


Halos mag-aalas nuebe na ng gabi nang makarating kami sa Pampanga. Hinatid muna niya ako sa bahay at pagkatapos ay sibat na agad siya pauwi sa kanila. Hindi na niya nakuhang bumaba pa ng sasakyan.

Sa loob ng halos isang linggo, isang beses lang ulit kami nagkasama. Saglit lang at sa basketball pa.

Si Mariel naman, halos araw-araw nasa bahay.


* * *


Sinindihan ko ang pla-pla na hawak ko gamit ang isang sigarilyo. Nagliyab agad ang pabilo no'n kaya agad kong ibinato. Hindi pa man nakakalayo, sumabog na agad nang todo. Ang lakas. Nakakabingaw sa lakas. Parang sumabog ang ear drums ko.


Happy new year! Bati ko sa sarili ko.


Dalawa lang kami ni Yaya sa bahay. Buti nga 'andyan na siya, kung 'di, wala na naman sana ako kasama. Nagpasabi sina Lola na uuwi dito. Kasama ko, sama-sama naming sasalubungin ang Bagong Taon pero wala ni isang dumating. Gano'n talaga. Hindi naman kasi ako ang paborito niyang apo. Pasaway daw kasi ako.


Beep. Beep.


Text galing kay Mariel.


Hon, dumaan ka dito ha. Hintayin kita. Happy new year. Love you.


Beep. Beep. Another text.

Galing naman kay Kevin.


Para kang isang ligaw na bala!

Bakit? Reply ko.

Sa iba nakalaan, ako ang tinamaan... Happy new year. Hohoho.


Patay do'n! 

Natawa ako sa banat niya. Hindi ko na siya ni-reply-an. Baka kung saan pa kami mapunta.

Pumasok na ako sa loob para tikman ang mga niluto ni Yaya Rosie. Ang daming nakahain. Sabay kami ni Yaya na kumain. Isa-isa kong nilantakan ang mga paborito ko. Lahat paborito ko. Hahaha!


"Yah, mga ala una alis ako, ha?"

"Saan ka pupunta?"

"Kila Mariel... at Kevin."

"Ingat ka. Delikado sa daan."

"Ingat sila sa 'kin, Yah."

"Ikaw talaga bata ka. 'Yung mga paputok mo, nasa ref. Akala ko kanina kung ano. Nakabalot pa sa dyaryo."

"Hahaha. Yah, para malakas pumutok."

"Gano'n ba 'yun? Bakit ang dami mong binili?"

"Wala lang."

"Kunin mo na du'n. Baka mamaya-maya basa na 'yun."

"Opo."

"Mark. Du'n ka sa labas ng bakuran magpaputok, ha? Ang sakit sa tenga."

"Yah, ano ka ba? Mas malapit sa bahay, mas maganda. Balak ko nga magpasabog ng kahit isang pla-pla dito sa loob ng bahay eh para lumabas ang masasamang ispirito. Para swertehin tayo."

"Jusko, Mark. Kaawaan ka."

"Joke lang 'yun, Yah."

Nagdala ako ng kaunting pagkain kina Mariel. Pagdating sa kanila, pinakain ulit ako. Nakipagkwentuhan ng kaunti at pagkatapos ay humayo na agad ako. Ang dami kasing nag-iinom sa gawi nila, baka mapatoma na naman ako. Mahirap na.

Nasa labas si Kevin nang dumating ako sa kanila. Ang daming tao sa bahay nila. Nandoon pala ang buong pamilya at ibang kamag-anak nila.


Huminto ako sa harap niya.

"Kevin..." bati ko habang bumababa sa motor.

"Musta?" tanong niya.

"Okey naman. Bakit nasa labas ka?"

"Hinihintay ka."

"Ah. Hindi mo ba ako pakakainin sa inyo? Ano ba handa niyo?"

"Hanep, Mark. Mas nauna mo pang kumustahin yung handa kesa sa 'kin."

"Hahaha! Sorry. Kumusta ka pala? Happy new year."

"Bad trip."

"Bakit?"

"Ewan ko ba kung bakit ako na-bad trip."

"Sorry."

"Sanay na 'ko du'n. Tara na sa loob."

"Sus."

Inakbayan niya ako. Magkaakbay kaming pumasok sa loob ng bahay. Nakakahiya.

Nakita ko agad sina Tita... ang buong pamilya. Lumapit ako sa kanila. Ang init ng pagtanggap nila sa akin.

Ipinakilala ako ni Kevin sa ibang kamag-anak na naroon pagkatapos ay sinabayan niya ako kumain.

"Hindi ka pa kumakain?"

"Hindi pa."

"Bakit?"

"Hinihintay nga kita."

"Ah."

"Ikaw ba?"

"Pangatlo na."

"Lupet."

"Hahaha!"

"Oy, Mark."

"Bakit?"

"Makikitulog ako sa inyo."

"Ayo' ko."

"Matitiis mo ba ako dito?"

"Oh, bakit? Ano problema dito?"

"Tignan mo nga. Ang daming tao. Saan matutulog 'yung iba jan? E di sa kwarto ko."

"Ah."

"Oh, ano?"

"Pag-isipan ko."

"Sige, wag na."

"Joke lang. Tsssk. Sige na. Payag na 'ko."


Pagkatapos namin kumain ay lumabas na kami. Maraming pinagbasyuhan ng mga fountain, lusis at iba pang pailaw sa labas, sa loob ng bakuran nila.

"Kevin tara du'n sa labas. Sa gilid ng daan. Magpahangin tayo."

"Magpahangin? Eh puro usok ng paputok lang ang malalanghap natin du'n."

"Basta tara du'n. May sorpresa ako."

"Ano?"

"Sorpresa nga eh. Eh di hindi na 'yun sorpresa kapag sinabi ko."

"Oh hige. Sige. Bahala ka."

Pinauna ko siyang maglakad. Paglabas namin ng gate nila, maingat kong sinindihan ang isang pla-pla gamit ang lighter at pasimple kong inihagis 'yon sa isang gilid.


Kaboooom!


Sobrang lakas dahil ang lapit no'n sa amin.

Nabigla si Kevin. Gulat na gulat. Nanlaki ang mga mata. Hinahabol ang hininga. Nakakatawa pero nakakaawa.

"Sorry."

Hindi siya nagsalita. Nagalit ata.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko