46
Late kami dumating. Mahigit isang oras din 'ata 'yon. Dali-dali kaming pumasok ng restaurant at agad na hinanap sina Kevin. Iilan lang ang nakaupo sa loob kaya madali naman namin sila nakita. Hawak-hawak ko ang kamay ni Mariel. Lumapit kami sa kinauupuan nila.
"Hello," bati ni Mariel. May ilang hakbang pa ang layo namin sa kanila.
Tumayo naman agad si Kevin para salubungin si Mariel. Kakamayan sana niya ito pero yakap ang ibinigay ng girlfriend ko. Halata sa mukha niya na na-miss niya si loko.
"Kumusta ka na? Siya ba girlfriend mo?"
Sweet talaga si Mariel sa mga kaibigan. Lagi mo siyang makikitang nakangiti kapag nakikipag-usap sa iba. Laging masaya—nakakahawa, kaya ang sarap niyang kasama.
Tumayo naman agad 'yong girlfriend niya. Nilapitan ni Kevin at hinawakan sa bewang.
"Yes. She's Anne."
"Hi," matipid na bati ni Anne. Halatang nahihiya pa.
"Babe, this is Mariel."
Babe amp. Natawa ako.
Nilapitan ni Mariel si Anne, nakipag beso-beso.
"Nice to meet you Anne. You're so pretty."
"Thank you."
"Bagay na bagay kayo ni Kevin."
Napangiti 'yong dalawa.
Inabot ko naman ang kamay ko sa girlfriend niya.
"I'm Mark. Mukhang nakalimutan na 'ko ipakilala ng boyfriend mo," sabi ko.
Napangiti naman ang lahat maliban sa isa... si Kevin.
"Hello, Mark."
Inabot naman niya agad ang kamay ko ng nakangiti at pagkatapos ay nag-aya na 'kong umupo.
"Kanina pa kayo? Sorry ha. 'Eto kasi si Mark ang tagal."
"No. It's okey. Kapapasok lang din namin dito, ten minutes ago," sabi ni Anne.
"Okey lang talaga kayo dito? Pwede tayo lumipat ng ibang resto if you want," sabi ni Mariel.
"Okey na dito. Favorite kasi ni Kevin si Jollibee. Tssk," sabat ko.
Sinipa ako ni Kevin sa ilalim ng mesa ng pasimple.
"Ako pa ituturo mo, eh ikaw nga itong nagtext na dito tayo magkita."
Napangiti tuloy yung dalawang dilag na katabi namin. Nahiya naman ako. Bisto!
"Kayo talagang dalawang magkaibigan kahit kailan. Ang dami niyong nalalaman. Tara na umorder na tayo baka hindi pa natin abutan yung last full show. Kasi naman kayo, ang pangit ng time na naisip niyo. Ang dami naman sanang pwedeng oras at lugar," sabi ni Mariel.
Tumingin ako kay Kevin. "Eh kasi—"
"Oh ano, ako na naman ituturo mo?"
Buset na 'to ah. Bakit kaya ang init ng ulo.
Sinipa ko siya sa ilalim ng mesa gaya ng ginawa niya kanina.
Napatingin si Anne sa baba, sa ilalim.
Imbes na si Huget, si Anne pala ang nasipa ko. Putek nakakahiya! Buti na lang medyo mahina lang ang pagkakasipa ko.
"Nako sorry, Anne. Hindi ko sinasadya. Sorry. Sorry. Sorry."
Tatayo sana ako pero pinigilan ako ni Anne.
"No need to say sorry. Ikaw talaga. Wala 'yun."
Nakangiti naman siya. Nagtataka rin siguro sa naging reaksiyon ko.
"Tara na nga, Anne. Tayong dalawa na ang umorder. Hayaan na natin 'yang mag-best friend dito."
"Ano order niyong dalawa?" tanong nila, magkasabay pa.
Napaisip ako. Napaisip din si Kevin ng ilang segundo.
"B3 na lang kami ni Kevin. Double go large."
Napatingin sa 'kin si Kevin.
Umalis na 'yong dalawa para um-order. Naiwan kami ni Kevin sa table na magkaharap.
Tinitigan ko rin siya nang mabuti na parang nang-aasar.
Nagulat na lang ako ng simulan niyang ililis ang kanyang manggas pati kwelyo. Ang dami niyang pasa sa dibdib at mga braso.
"Ano ba ginagawa mo? Baka kung ano sabihin ng mga tao, loko."
"Hindi mo ba nakikita? 'Yan 'yung ginawa mo kanina, sa basketball."
Inililis din niya ng bahagya ang babang bahagi ng kayang polo, may mga pasa rin akong nakita sa bahaging 'yon ng kanyang katawan. Maputi kasi siya kaya madaling mapansin. Naawa tuloy ako.
"Sorry," ang tangi kong nasabi.
Umiling siya, ngumiti.
"Buti na lang ikaw si Mark."
"Oh, bakit naman?"
"Ikaw lang kasi ang bukod tanging nanakit sa 'kin nang hindi ko kayang gantihan."
Patay do'n! Nahiya ako bigla sa ginawa ko. Naawa ako sa kanya. Nagi-guilty tuloy ako.
"Sa'n mo ba napulot, este, nakilala 'yung girlfriend mo?"
Tinitigan niya ako nang seryoso. Sablay na naman 'ata ako.
"Kahit kailan ka talaga, Mark."
"She's nice," bawi ko.
Napangiti naman siya.
"Ex ko."
"Ah."
"Naikwento ko na siya sa 'yo, 'di ba?"
Tumango ako.
"Okey na 'ko, Mark. Masaya ako. Mas masaya ako ngayon."
"Eh di ayos pala."
Tumango siya.
"Mark salamat, ha."
"Para saan?"
"Sa lahat. Sa pagkakaibigan."
"Para ka naman nagpapaalam niyan. Magkaibigan naman tayo. Hindi 'yun magbabago."
Umiling siya. Napayuko, medyo nakatago ang mukha.
"Mark."
"Oh."
"Kung pipili ka ng isa, sino sa 'min dalawa?"
"Ang hirap naman ng tanong mo. Wala na bang iba. Tssk."
Pinilit ko na lang tumawa.
"Seryoso. Si Mariel o ako?"
Hindi ko sinagot dahil ayokong magkamali.
"Alam mo bang kung ako ang sasagot niyan... hindi ikaw ang pipiliin ko. Marami pang mas higit sa 'yo sa buhay ko. Marami pang kaibigan ang darating na mas hihigit pa sa 'yo. Seryoso 'to, Mark. Gusto na talaga kita kalimutan. Ayo' ko na balikan ang nakaraan. Kung ano man ang meron sa atin nuon, wala na 'yun."
Ang sakit. Mas masakit dahil sa kanya ko pa 'yon narinig. Pagkatapos no'n ay hindi na kami nag-usap pa.
Ilang sandali pa ay dumating na pala sila, 'yong dalawa. Kung hindi ko pa naramdaman na tinabihan ako ni Mariel, hindi ko man lang sila mapapansin.
"Mukhang seryoso usapan natin, ah? Kanina pa namin kayo tinitignan ni Anne mula du'n sa counter. Iniisip namin kung ano ang pinag-uusapan niyo."
"Tara, kain na tayo. Gutom na 'ata ako. Hahaha," sabi ni Kevin. Masaya na ulit siya. Ang mukha niya, mukhang masaya.
Saglit lang kami kumain. Hindi na halos naubos 'yong pagkain dahil nagmamadali 'yong dalawa na manood ng sine. Last full show, kaya hindi pwedeng mahuli, kung 'di, sayang lang 'yong panonood kasi wala nang kasunod.
Sa maikling oras, naging close 'yong dalawa. Sila lagi ang magkakwentuhan at laging nagtatawanan. Madalas ko pa silang nakikitang nagbubulungan habang kami ni Kevin, tahimik lang na nakabuntot sa aming mga kasintahan.
Aalog-alog ang sinehan ng kami ay pumasok. Mabibilang mo lang sa daliri ang nakaupo para manood. Karamihan ay mga magkakasing-irog.
Sa bandang taas sa gawing gilid kami umupo. May dalawang upuan ang pagitan namin.
Madrama yung pelikula na napili ng dalawa. Walang buhay ang mga eksena. Puro iyakan at salitaan lang.
"Hon, okey ka lang?"
Nakaakbay ako sa kanya habang siya naman ay nakasandal sa aking balikat.
"Oo. Bakit?"
"Kasi mukhang malalim ang iniisip mo kanina pa. May problema ba kayo ni Kevin?"
"Bakit mo naman naitanong?"
"Napapansin ko kasi eh."
Hindi ko na siya sinagot. Hinalikan ko siya sa noo. Mas hinigpitan ko pa ang akbay ko sa kanya. Hindi naman na siya nagtanong pa.
Nasa kalagitnaan na halos ng palabas ng biglang lumapit sa 'min si Anne at si Kevin.
"Mariel, mauna na kami, ha?" paalam ni Kevin.
Umayos kami ng upo.
"Maaga pa, ah?" nagtatakang sabi ni Mariel.
"May pupuntahan pa kasi kami eh. Importante."
"Gano'n ba."
"Bye, Mariel. Bye, Mark. Nice meeting you, guys," paalam ng girlfriend niya.
Napatayo ako. Hinarap ko si Kevin. Medyo magkalayo sila ni Anne kaya nilapitan ko siya, malapitan.
"Ano problema mo?" mahina kong tanong.
Nag-iinit ako sa galit.
"Ikaw. Ikaw ang problema ko," mabilis niyang sagot.
Natigilan ako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pinipigil ko ang sarili ko.
"Sige, umalis ka na baka hindi pa 'ko makapagtimpi sa 'yo."
Tinitigan niya ako. Nagkatitigan kami ng ilang segundo.
Biglang lumiwanag ang screen. Lumiwanag ang mukha niya. Nakita kong nangingilid ang luha niya.