45
Tumayo ako para kumuha ng masmakapal na kumot para idagdag sa manipis na nakabalot sa hubad niyang katawan. Malamig na ang paligid at masmalamig pa pala kapag madaling araw kung kailan nagsisimulang kumapal ang hamog sa labas.
Inayos ko ang kumot niya at dinagdagan pa ng isa. Sinubukan kong muling bumalik sa pagtulog pero wala.... Hindi ko magawa, kaya tumayo muli ako at lumapit sa bintana ng aking kwarto. Sumilip ako. Nakatawag-pansin kasi ang mga ilaw na tumatama sa salamin... mga ilaw na nagmumula sa labas... mga ilaw ng mga Christmas lights ng ibang bahay. Naglalaro sa isip ko, paulit-ulit ang mga kantang malulungkot kapag Pasko.
Malabo ang salamin ng bintana dahil sa hamog pero makikita mo pa rin ang labas. Marami akong naiisip at naalala. Ilang saglit lang pala ay tama na para makabalik ako sa estado ko kanina... tulog. Nagsimula na akong antukin.
Bumalik na ako sa kama, tinabihan ulit siya. Maingat ko siya hinalikan at niyakap para hindi magising.
Mababaw naman na ang tulog ko, kanina pa. Nahihirapan lang talaga ako bumangon lalo pa't malamig ang panahon. Ilang araw na lang pala Pasko na... Pasko na naman.
"Hon, gising ka na. Aalis na 'ko maya-maya."
Binitawan ko ang yakap kong unan at nagsimula nang bumangon, nag-inat, naghikab... ang hirap talaga bumangon.
Hindi ko alam ang itsura ko nang humarap ako sa kanya. Hinalikan naman niya ako at niyakap ng mahigpit.
"Tamad ka pa rin pala, Lopez. Sabi mo ikaw ang gigising sa 'kin. Sabi mo ikaw ang magluluto."
"Sorry. Napuyat kasi ako kagabi."
"Lulusot ka na naman. Yan ang na-miss ko sa 'yo, sobra."
Hinigpitan pa niya ang yakap sa akin habang ako naman ay kinukuskos ang mga mata at pupungas-pungas pa.
"Anong oras ka ba aalis, ha?"
"Ngayon na sana."
"Ha? Kaaga."
"Paalam ko kasi kila Papa maaga akong uuwi eh."
"Ihahatid pa ba kita?"
"Hindi. Hindi na. Baka kung ano sabihin nila sa atin 'pag nakita tayo magkasama nang ganito kaaga."
"Ah."
"Kain ka na. Nakahanda na sa baba."
"Sige. Mauna ka na. Sunod na lang ako."
Pumunta muna ako sa banyo at nag-ayos ng sarili.
Mag-isa lang ako kaya sinamahan ako ni Mariel sa bahay. Umuwi kasi si Yaya sa probinsya nila. After Christmas na 'yon darating. Ako naman, mas pinili kong manatili sa bahay kahit mag-isa kaysa umuwi kina lola sa Manila kasama ng mga pinsan ko para do'n mag-Christmas break.
"Tara, sabayan mo na ako kumain?" aya ko.
"Hindi na, Hon. Next time na lang, ha."
Tumango ako, ngumiti sa kanya.
"Kelan ba natin pupuntahan si Kevin? Kelan ba tayo magkikita-kita? Tatlong araw na 'ko dito sa Pilipinas pero hindi ko pa kayo nakikitang magkasama. May problema ba?"
Napailing na lang ako sa kanya. Isusunod ko sana ang sagot ko sa mga tanong niya pero hindi na niya 'yon nahintay pa. Nagmamadali talaga siya.
"Oh, siya. Sige, Hon. Text na lang mamaya. Kumain ka mabuti, ha? Love you. Bye."
Lumabas na siya ng bahay. Ako naman ay umupo na, sa hapagkainan.
"Love you too," sambit ko, pabulong kahit wala na siya, kahit ako na lang ang nakarinig no'n. Pagkatapos ay nagsimula na akong kumain mag-isa.
Naputol ang pagkain ko dahil sa isang tawag. Tawag mula kay Cris.
Oy, Brader. Musta? Bungad niya.
Good. Very good. Ikaw, kumusta?
Okey din, Brader.
Si kuya mo?
Gano'n sana. Eto, kasama girlfriend niya.
Girlfriend?
Sus, Brader, hindi mo ba alam? Yung ex niya na taga-Manila? Nagtatakang tanong niya.
Hindi.
Ouch. I smell something. Hahaha.
Gago. Anong something?
Kapag tinatanong kita sa kanya, hindi niya sinasagot nang diretso. Kaya pala. LQ. Hahaha.
Gago.
LQ ang mag-besfriend. Ikaw naman, Brader. Hindi pa 'ko tapos eh.
Loko.
Ka-cute niyo. Sarap niyong pag-untugin. Hahaha! Nga pala, Brader, nandito 'ko sa Pampanga ngayon. Bakasyon na namin. Tara?
Tara saan?
Punta ka dito sa 'min. Gala tayo... tayo nila kuya. Oops, oo nga pala! LQ kayo. Hahaha!
Isa pa tatamaan ka na.
Sorry. O kaya basketball na lang tayo mamaya. Ano?
May lakad ako eh. Next time na lang.
Sige na. Sige na. Ako bahala. Hindi ko sasabihin sa kanya na kasama ka.
Wala naman problema kung sabihin mo eh.
Basta. Oh ano, tara? Sige na.
Sige.
Ayos!
Ilan ba kaya mong dal'ing players mamaya? Half court o whole court?
Lima kami dito. May kasama kaming tatlong pinsan. Whole court para masaya.
Okey. Magdadala ako ng mga tao ko. Alas tres. Covered court tayo.
Aprub!
Masaya ako na makakalaro ko sila... siya mamaya. Ginanahan ata ako. Ang sarap kasi ng naging kain ko. Naubos ko lahat ng niluto ni Mariel. Excited ata ang tawag dito. Ewan ko.
Mabilis naman dumaan ang mga oras. Bago mag-alas tres, nakumpleto ko na ang team na isasama ko sa laro.
Kami ang unang dumating sa basketball court. Hindi naman nagtagal at dumating na rin ang team nila Huget. Malayo pa lang ay nakita ko na si Kevin na nakangiting nakikipag-usap sa kasama habang naglalakad palapit sa amin.
Lumapit agad sa akin si Cris.
Mukhang nabigla si Kevin nang mapansin niya ako. Ako na ang unang lumapit sa kanya dahil alam kong iiwas na naman siya.
Tinapik ko siya sa balikat.
"Musta?" tanong ko.
"Okey lang."
"Ah."
"Bakit nandito ka?"
"Hindi mo ba ako muna tatanungin ng kumusta, ha?" sagot ko.
"Halata rin namang okey ka."
Napangiti ako sa sagot niya. Gusto ko matawa pero pinipigil ko.
"Labas tayo... tayo nila Mariel. Na-miss ka na daw niya."
"Busy ako. Ikumusta mo na lang ako sa kanya."
"Hindi mo man lang sinabi sa 'kin."
"Na alin?"
"Girlfriend mo."
"Ipapakilala ko sa 'yo one time."
"Mamaya?"
"Pa'nong mamaya?"
"Date tayo. Double date. Isama mo girlfriend mo. Isasama ko si Mariel."
"May pupuntahan kami."
"Tatanggihan mo ba si Mariel?"
"Next time na lang."
"Tatanggihan mo ba ako?"
"Oh siya, sige. Sige na."
"Good. Ngayon ipakita mo sa 'kin gilas mo sa court. Hindi ako magiging mabait sa 'yo, Huget"
"Hindi bagay sa 'yo, Mark."
"Sabi mo lang 'yun."
Basketball kalye ang dala-dalang ng mga kasama ko habang ang grupo nila Huget ay larong mayaman ang takbo.
Kami ni Kevin ang nagbantayan mula simula hanggang huli. Ginamit ko ang lahat ng basketball skills ko na natutunan ko nang labing-apat na taon, pati pandaraya na isinama ko matalo ko lang siya sa laban.
Kinasabwat ko si Cris para madiskaril ang laro ng kuya niya. Ginawa ko lahat ng mga bagay na ayaw ni Kevin na makita sa court. Sinagad ko ang pasensya niya at sinubukang itaas ang tensyon ng laro. Madali kasi uminit ang ulo niya sa mga maduduming maglaro. Ininis ko talaga siya buong laban.
"Masaya ka na?" tanong niya.
Nginitian ko siya.
"Na?" sagot ko.
"Puro tama ako sa 'yo. Siko. Ulo. Paa. Tuhod. Lahat ata ginamit mo sa laro. Masaya ka na, na saktan ako?"
"Ikaw naman. Nilalambing lang naman kita. Na-miss kasi kita."
"Hanep, Mark. Hanep ka!"
"Para naman hindi mo 'ko kalimutan... para naman mahirapan ka na kalimutan ako. Ikaw nga itong madaling makalimot. Ayan, sigurado akong mahihirapan ka na na kalimutan ako."
Ang daming salitang 'limot' don, ah. Nangingiti lang ako sa kanya, habang siya, seryoso lang na nakatingin sa 'kin.
"Sige na. Mauna na kami. 'Wag mo kalimutan 'yung usapan. Mamaya, six sharp," dagdag ko sabay sibat. Hindi ko na hinintay ang sagot niya baka kasi tumanggi pa.