43


Ngumiti siya.

"Ah... Gano'n ba," tugon niya.

"Sinasabi ko 'to dahil ayo' kong maglihim sa 'yo."

Hindi siya kumibo. Tinitigan lang niya ako. Kahit hindi siya magsalita, nararamdaman ko naman ang mga mata niya. Malalim, pero may sinasabi. Malabo, pero nababasa ko.

Nilapitan ko siya, tinabihan, inakbayan. Tinitigan ko ang kanyang mukha ng malapitan.

"Mahalaga ka sa akin, Kevin."

Hindi ulit siya nagsalita. Inalis niya ang kamay ko na nakaakbay sa balikat niya. Umusog siya ng kaunti papalayo sa akin.

Sinundan ko siya. Umusog ako palapit sa kanya. Inakbayan ko ulit siya ng mas mahigpit kaysa sa kanina.

"Ano ba. Nasasakal ako," naiirita niyang sambit.

Hinawakan niya ako sa kamay, pilit niyang inalis ang aking akbay. Lumaban ako pero nagawa pa rin niya 'yon tanggalin.

"Sorry, Kevin."

Tumayo na siya at inayos ang nagusot na manggas. Tumalikod siya at humakbang papalabas.

"Oh, saan ka pupunta?"

"Uuwi na."

Tumayo agad ako, hinabol siya. Hinakawan ko siya sa braso para pigilan.

"Teka. Dito ka muna."

Nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Hindi niya pinansin ang aking hawak.

Binitawan ko siya.

"Hintayin mo ko, Kevin. Magpapalit lang ako ng damit. Ihahatid na kita."

Hinubad ko na agad ang sando na suot ko. Mabilis akong kumilos para kumuha ng damit sa cabinet. Hindi ko na nakuhang isuot ang damit na hawak ko sa pagmamadaling bumaba.

Inabutan ko siya na nakasakay na sa kotse sa driver's seat, kinatok ang salamin no'n, at agad naman niya 'yon binuksan.

"Ako na magda-drive. Masakit pa 'yang paa mo," sabi ko habang nagsusuot ng damit.

Bumaba naman siya, ibinigay ang susi sa akin, at dumiretso na agad sa kabila.

Tahimik lang siyang sumakay. Hindi ako gaanong makapagsalita dahil hindi siya kumikibo.

Mabagal lang ang andar ng sasakyan. Sinasadya ko 'yon para masmahaba ang oras na makasama ko siya. Marami kasi akong gustong sabihin sa kanya.

"Tahimik ka."

Hindi ulit siya nagsalita.

Kinalabit ko siya sa balikat.

"Pssst."

Lumingon naman siya pero saglit lang. Agad niya ulit ibinaling ang kanyang tingin sa ibang dako, sa harap, sa daan, at kung saan-saan.

Kinalabit ko ulit siya.

"Oy."

Hindi na siya lumingon pa.

Pinitik ko siya sa tenga pero wala.... Hindi niya talaga ako pinapansin.

Nagmenor ako ng sasakyan at inihinto ko sa gilid ng daan.

Humarap ako sa kanya. Sinubukan kong idikit ang puso ko para pakinggan ang puso niya pero nahirapan ako na mailapit man lang 'yon sa kanya.

"Kevin naman. Ayo' ko nang ganito tayo."

Sa wakas, hinarap din niya ako. Nagkamot siya at pagkatapos ay ngumiti.

"Marky Boy, akala ko ba ayaw mo ng drama?" Ginulo niya ang buhok ko. "'Wag mo sasaktan si Mariel ha? Kun' 'di, makakatikim ka ulit sa akin."

"Salamat, Kevin."

"Dito ka na lang para hindi ka na mapalayo. Sumakay ka na pauwi. Kaya ko na 'to mag-isa."

"Hindi na. Ihahatid na kita."

Nang aktong kakambiyo na ako para muling umandar, pinigilan niya ako. Hinawakan niya ako sa kamay.

Umiling siya.

"Sige na, Mark. Dito ka na lang."

"Pagbigyan mo na 'ko."

"Dumidistansya na 'ko sa 'yo. Sinisimulan ko na. Sinusubukan ko na ngayon."

"Ha?"

"Hindi mo ba ako naiintindihan? Sinusubukan ko ngayon na mabuhay nang malayo sa 'yo. Sana subukan mo rin."

"Hindi. Ayo' ko."

"Okey ka naman nu'ng wala pa 'ko. Okey naman ako nu'ng wala ka pa sa buhay ko. Nahihirapan tayo ngayon pero lilipas din 'yun. Magiging okey ulit tayo gaya ng dati, nuong hindi pa tayo nagkakakilala."

"Iba nuon. Iba ngayon. Palagay mo lang gano'n lang 'yun kadali pero sigurado akong hindi. Ayo' kong subukan, Kevin. Ayo' kong malayo sa 'yo."

"Kung ayaw mo. Bahala ka. Ako? Oo, gagawin ko."

Naluluha niyang tinanggal ang bracelet na bigay ko.

"Hindi ko na ata matutupad ang pangako ko sa 'yo. Sabi ko sa 'yo dati, ito ang huling bagay na aalisin ko sa katawan ko pero hangga't nakasuot ito dito sa braso ko, hangga't nakikita ko ito dito... lagi lang kita maiisip, lagi lang akong malulungkot, lagi lang ako mananabik sa 'yo kaya 'eto, binabali ko ang pangako ko. Sorry, Mark."

"Tinatalikuran mo ba ang pagkakaibigan natin?"

"Hindi."

"Bakit iiwan mo 'ko?"

"Hindi naman kita iiwan dahil hindi naman ako mawawala, hindi naman ako lalayo. Magkikita pa rin naman tayo. Dadalawin pa rin naman kita paminsan-minsan sa bahay niyo. Magkakasalubong pa rin naman tayo sa school, sa ibang lugar, basta..."

"Ayo 'ko ng ganon. Ayo 'ko ng minsan. Ayo 'ko na matagal kitang hindi nakikita at nakakasama. Hindi ko 'yun kaya."

"Ano ka ba, Mark? Akala ko ba malakas ka? Akala ko ba astig ka? Akala ko ba ayaw mo sa baduy, O.A., at sa drama? Hindi bagay sa 'yo."

Ngumiti ulit siya... ngumiti siya para subukang itago ang matang nagsimula nang lumuha.

Ito na 'ata ang pinakamalungkot na sandali ng buhay ko. Mas mabigat pa ang nararamdaman ko ngayon kaysa sa paghihiwalay namin ni Mariel noon.

Sinubukan kong punasan ang luha niya pero pinigilan niya ako.


* * *


"Yah, kung papipiliin ka, best friend mo o girlfriend?"

"Ikaw talaga bata ka. Itulog mo na 'yan."

"Sige na, Yah, sagutin mo na please, please, please."

"'Yan ba ang epekto sa 'yo ng alak?! Ang pag-inom inilulugar, anak. Nangursunada ka pa du'n sa kanto kanina. Hindi ka naman ganyan, ah."

"Hayaan mo na 'yung gago na 'yun. Mayabang eh. Hanep makatingin, para akong lalamunin ng uto."

"Pa'no nga lasing na lasing ka kanina. Sa'n ba kayo nagpunta, ha?"

"'Jan lang po sa tabi-tabi."

"Bakit 'yung mga kaibigan mo hindi naman gaanong lasing? Ikaw lang ang bukod tanging langong-lango."

"Yah naman. Para ka naman NBI kung makapag-interrogate niyan eh. Sagutin mo na lang yung tanong ko, please."

"Ano? Best friend at ano?"

"Girlfriend."

"Si Kevin ba 'yung best friend mo? Si Mariel 'yung isa?"

"Basta, Yah. Kakulit mo naman. Ikaw 'ata ang lasing 'jan eh."

"'Yan ba dahilan kung bakit naglasing ka, ha?"

Bumigat ulit ang pakiramdam ko. Akala ko ba kapag lasing ka, manhid ka na? Akala ko ba 'pag lasing ka, magiging matapang ka?

"Bakit hindi ko po sila makuha nang sabay? Bakit kailangan pa mawala ang isa para lamang makuha ang isa? Nahihirapan po ako."

Niyakap ako ni Yaya.

"Tama na, Anak. 'Wag ka umiyak. Tahan na. Hindi man kita masagot sa tanong mo pero wag mo isipin na hindi kita naiintindihan."

"Yah, ayo' ko po mawala ang isa sa kanila. Hindi ko po 'ata kaya."


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko