15
Natawa na lang din ako. Oo nga naman mabaho na nga pala ako. Binitawan ko siya. Lumayo ako at dumiretso agad sa banyo. Ang tagal kong naligo. Mga kalahating oras.
"Ang tagal mo naman."
"E ano ngayon?"
"Kasungit mo naman."
"Matulog ka na."
"Ngayon nga lang ulit tayo nagkasama tapos patutulugin mo ako agad."
"Ano naman gagawin natin? Gabi na."
"Magkwentuhan tayo magdamag."
"Adik ka ba? Antok na antok na 'ko."
"Kunwari ka pa e. Kanina lang hanep ka makayakap sa 'kin."
"Gago."
Lumapit siya.
"Eto oh, yakapin mo ulit ako kahit gaano katagal mo gusto."
Nakaupo ako, siya naman ay nakaharap sa akin. Binukas niya ang mga kamay na nang-aanyaya para yakapin siya.
"Umupo ka dito. Tabi tayo," sabi ko.
Agad naman siya umupo sa tabi ko. Sobrang lapit namin sa isat-isa. Magsasalita sana ako ng biglang may humalik sa kaliwa kong pisngi. Ang bilis ng pangyayari. Natangin ako sa kanya. Nakangiti siya... ngiting nakakagago.
"Para saan 'yun?"
"Para sa 'yo."
"May girlfriend ako."
Hindi siya kumibo.
"May Mariel na 'ko," dagdag ko.
"Sorry."
Ngumiti ako.
"'Wag muna natin 'yan pag-usapan. Tara labas na lang tayo?" sabi ko.
"Lalabas tayo? Nakapang-romansa ako," sagot niya. Oo nga naman, naka-boxer shorts lang pala si loko.
"Okey na 'yan. Gwapo ka naman."
"Konsensya mo 'pag na-rape ako."
"Sige na. Magpalit ka na. Ikaw na mamili ng gusto mong isuot du'n sa cabinet ko. Mag-amerikana ka pa kung gusto mo."
"Ano masasabi mo? Gwapo na ba?" tanong niya habang nakaharap sa akin.
"Pwede na. Pwede nang pagtiyagaan." Kahit anong isuot niya bagay sa kanya.
"Ikaw, Mark, kanina ka pa," ngumiti siya na parang demonyo na ewan.
"Teka, palit lang din ako ng shorts," sabi ko.
"Saan tayo pupunta?" tanong niya.
"Akala ko ba ililibre kita sa Jollibee?"
"Ah, oo nga pala. May kasalanan ka nga pala sa 'kin. Pagkatapos, saan pupunta?"
"Ikaw, kung saan mo gusto," sagot ko habang nagpapalit ng shorts.
"Basketball tayo? One on one. Hanap tayo ng court na paglalaruan."
Tumingin ako sa relos ko. "Alas dose na. Gabing-gabi na."
"Natatakot ka ba? Kasama mo naman ako."
"Buset. Hindi ka ba mauubusan ng kayabangan?"
Ngumiti lang ulit siya.
"Sige. Kunin mo na 'yung bola sa ilalim ng kama. Basta ikaw ang magdadala," dagdag ko.
"Yes, Boss."
Naglaro na nga ako kanina sa finals, nag-inom, tapos magbabasketball ulit. Hanep sa trip. Hindi kaya ako mamatay nito?
Take out lang ulit kami ng favorite namin na B3. Apat na order. Double go large. Napagkasunduan namin na pagkatapos na lang ng basketball kakainin. Marami kaming napuntahan na basketball court pero walang mga ilaw o kaya naman nakasara na. Halos isang oras kaming naghanap ng court. Sa wakas nakakita kami ng pwede paglaruan. Town plaza 'yon kaya open kahit gabi. Wala nang tao sa paligid pero lahat ng mga ilaw nakabukas.
"Kevin..."
"Ano?"
"Pano kung hindi sila pumayag na dito ka mag-aral?" tanong ko. Pangalawang ulit na 'yon.
Matagal siya bago makasagot.
"Hindi ko alam..." sagot niya. 'Yon din ang sagot niya kanina.
Wala na akong masabi. Naubusan na 'ata ako ng sasabihin sa kanya. Ilang sandali pa...
"Sus halata ka na naman. Kaya sa 'yo 'ko e. 'Wag ka mag-alala. Kahit anong maging desisyon nila, desisyon ko pa din ang masusunod. Tara, laro na tayo. Patunayan mo na MVP ka."
Nauna siyang maghubad ng suot pangtaas kaya gumaya na rin ako. Half court lang kami, one on one.
Nag-dribble siya. Ipinasa sa 'kin ang bola. Nag dribble ako. Nag-drive. Supalpal niya. Naagawan ako ng bola. Ipinakita niya ang mga signature moves niya. Kakaiba talaga siya gumalaw. Madali siya nakapuntos...
Napasarap ata kami ng laro. Hindi na namin namalayan ang oras.
Parehas kami na nakahiga sa sahig ng basketball court. Magkatabi at nakatingin sa taas, sa langit. Pawis na pawis.
"Mark?" tanong niya.
"Oh."
"May sasabihin ako sa 'yo," paputol-putol ang kanyang pagsasalita dahil na rin sa sobrang hingal.
"'Wag mo na ituloy 'yan kung nonsense lang."
"Hindi."
"Ano 'yun?"
"Alam mo bang lagi akong napupuyat kakaisip."
"Kanino?"
"Sa 'yo."
"Corny mo naman, Huget."
Alas kwatro na ng umaga nang dumating kami sa bahay. Halatang pagod parehas pero masaya naman. Umakyat na agad kami sa taas. Nagpahinga lang kami nang saglit, naligo ulit. Nauna siyang naligo kaya nang matapos ako nakahiga na siya. Grabe naman matulog 'to, kaunti na lang masasakop na buong kama ko, sa isip-isip ko. Tinulak ko siya sa isang gilid para makahiga ako. Nakatulog naman agad ako.
* * *
Anong oras na ba at parang kulang pa din ako sa tulog? Unti-unti kong binukas ang aking mga mata. May araw na pala. Ang sakit sa mata.
"Tanghali na," sabi ng taong nakaupo sa harap ko. Inaninag kong mabuti. Si Huget pala.
"Ano ginagawa mo?" tanong ko habang pupungas-pungas.
"Ang cute mo kahit tulog."
Hindi ko siya pinansin. Pinikit ko ulit ang mga mata ko. Niyakap ang unan na nasa tabi ko. Itutuloy ko na lang ang pagtulog ko. Tutal, wala naman ako gagawin ngayong araw.
"Hindi ako nakatulog sa 'yo, Mark. Niyakap mo ako magdamag."
Nagpapapansin lang 'yan, sabi ko sa sarili ko. Kunwari nakatulog na ulit ako.
"Mark."
Ayaw kong sumagot.
"Mark."
Kakulit!
"Mark...."
"Ano?"
"Ano ba ako sa 'yo?"
Hindi ko alam ang sagot. Hindi ulit ako kumibo.
"Kasi ikaw... parang drugs. Nakakaadik."
Takte.