14


Siya nga. Si Kevin Huget nga. Nag-iba ang itsura niya. Semi-kalbo na si loko. Mas lalong naging malinis ang mukha niya. Lutang na lutang siya sa maraming tao. Napako ang tingin ko sa kanya.

"Mark, ano ba ginagawa mo 'jan? Anong petsa na!" tawag ni Coach. Galit na 'ata pero hindi ko pa rin naalis ang mga mata ko kay Huget.

Sumenyas si Kevin. Parang sinasabi niya na pumasok na ako sa loob ng court at 'wag siyang alalahanin. Wala akong nasabi kaya isang ngiti na lang ang binalik ko sa kanya. Tumalikod ako. Nagsimula na akong maglakad papuntsa sa loob ng court, nakangiti. Parang nabunot ang tinik na singlaki ng balyena sa aking dibdib.

Mainit na ang laban sa simula pa lang ng laro pero nanatili akong kalmado sa lahat ng pagkakataon. Lumalayo ako sa mga bagay na magpapainit ng ulo ko sa laro. Focused ako sa game dahil alam kong nanonood siya. Gusto kong magpakitang-gilas pero walang epekto ang stratehiya na ginagamit namin. Madali nila kaming naiiwanan. Sobrang lakas nila at hindi man lang kami makalapit sa score. Sila ang nakalaban nila Kevin sa quarter finals. Sila ang tumalo sa dati kong team. Igaganti ko sila. Tatalunin namin 'to para sa dati kong team, para kay Kevin.

Natapos ang first quarter nang hindi man lang kami nakadikit sa kalaban. Bente puntos laban sa anim na puntos namin. Unang bugso. Kumain na agad kami ng alikabok. Sa anim na puntos ng team apat do'n sa akin. Hindi pwedeng walang kahinaan ang team na 'to sabi ko sa sarili ko. Kanina pa palaisipan sa 'kin kung paano tatalunin ang kalaban. Sa totoo lang no match talaga ang first five namin kung ikukumpara sa first five nila kaya hindi mailabas ni coach ang kahit isa man lang sa amin. Babad kami kaya pagod ang isa pa naming kalaban. Putek. Mark, ano na?

Fifteen minutes break bago magsimula ang second quarter. Nakaupo kami pabilog habang si coach ay nasa gitna dala-dala ang maliit na white board. Nagulat ako nang biglang lumapit ang nakakulay pulang si Kevin. Takaw eksena siya kaya pati mga tao sa paligid ay sinusundan siya ng tingin. Para siyang celebrity na kahit anong gawin ay pagtitinginan at paguusapan. Agad naman siyang nakilala ng mga kasama ko sa team habang papalapit. Binati siya nila pero patay-malisya lang si loko.

Habang si Coach ay abala sa pagsasalita, "Coach, pwede bang hiramin si Mark saglit?" tanong ni Kevin. Nagulat ang lahat. Kahit ako nabigla.

Napalingon si coach. Natigilan sa pagsasalita. "Ha?" tanong niya.

"Saglit lang. Isosoli ko din," sagot ni Kevin.

Halata sa mukha ni coach ang pagtataka. Napatingin sa 'kin si coach. Tumango ako sa kanya.

"Sige ibalik mo din agad. Naghahabol kami," sabi ni coach.

Tumayo ako. Tumalikod naman si Kevin at naunang lumabas sa court. Agad naman akong sumunod. Walang kibuan habang naglalakad palayo. Nang medyo malayo na kami sa ingay ng laban, naramdaman kong unti-unti siyang bumagal sa paglalakad. Hindi ko na hinayaan na makalapit sa kanya, tumigil ako. Nagsimula na akong kabahan. Hindi ako sanay sa mga kinikilos ni Kevin. Humarap siya sakin, tinitigan ako ng seryoso. Napalunok ako. Mas lalo pa akong kinabahan. Nagsimulang manlamig ang buo kong katawan. Wala ako marinig kun' di ang pagkabog ng dibdib ko.

"Mark, galingan mo," sabi niya.

Matagal bago ako nagsalita dahil hindi ko alam ang tamang isasagot sa kanya.

"Salamat, Kevin."

"May kasalanan ka sa 'kin." Ang tingin niya, ang lakas ng dating.

"Sorry," sabi ko.

"Ilibre mo ako sa Jolibee mamaya. May mahalaga akong sasabihin ako sa 'yo."

Patay do'n!

Ngumiti siya. Napakunot-noo na lang ako sa kanya. Bigla siyang tumawa ng malakas. Takte. Kevin, hindi ka pa rin nagbabago, sa loob-loob ko. Lumapit siya sa akin, niyakap ako ng mabilis. Ginulo niya buhok ko at bigla ulit tumawa. Akala ko talaga kanina, sasapakin niya ako. Tumawa na rin ako.

"Seryoso. Nagtatampo talaga ako sa 'yo pero kalimutan mo muna yun. Ang mahalaga ngayon, manalo kayo."

"Salamat," maikli kong tugon.

Isang mahabang pito ang narinig ko. Sinundan 'yon ng isang mahabang buzzer hudyat na magsisimula na ang game.

"Kevin, balik na ako sa court," paalam ko.

"Tandaan mo, 'wag ka lumaban sa laro na gusto nila. Ikaw ang magdikta ng laro na gusto mo," sabi niya. Ngumiti siya.

Tumango ako. Pagkatapos ay tumalikod. Dali-dali akong tumakbo papuntang court. Hindi ko na siya nagawang hintayin. Madali naman akong nakabalik bago pa man opisyal na magsimula ang laban. Iniisip ko ang huling mga kataga na binitiwan niya kanina. Malalim ang linyang yun pero parang nakukuha ko naman. Tama siya. Hindi ko dapat ibigay ang laro na gusto ng kalaban dahil doon sila malakas. Dapat sila ang sumunod sa laro na gusto namin. Kung saan kami malakas, 'yon ang dapat naming gamitin.

Sa simula ay palitan lang sa puntos ang labanan. Nagsasagutan lang ang dalawang team sa score. Akala ko madali lang gawin ang sinabi ni Kevin pero mahirap pala. Hanggang sa unti-unti ko nang napapansin na kami na ang nagdidikta ng laban. Sunud-sunod akong naka-puntos mula sa paborito kong jump shot. Nakuha naming agawin ang kalamangan sa kalaban sa pamamagitan ng mabilis na laban. Nagbigay ako ng suhestiyon kay Coach no'ng nag time-out na subukan gamitin ang lahat ng pinakamabibilis sa team. Malakas sa opensa ang kalaban pero walang silbi 'yon kung madali naman silang maiiwan sa bilis ng laro. 'Yon pala ang sinasabi ni Kevin. Ang galing niya.

Pagpasok ng fourth quarter, lumaki na ang kalamangan namin. Napansin ko na medyo dumudumi na ang laro ng kalaban dahil na rin siguro sa desperation. Ang dami nilang hard fouls kaya nagpasya na akong lumabas. Hinanap ko agad si Kevin para puntahan.


Wala siyang dalang sasakyan. Nakaangkas siya sa 'kin sa motor. Pauwi kami ng bahay. Mabagal lang ang takbo. Madulas kasi ang daan. Kayayari lang umambon ilang minuto pa lang ang nakakaraan.

"Kevin, may konting inuman daw sa bahay nila coach. Tara?" aya ko.

"Ayo' ko."

"Bakit?"

"Para sa inyo 'yun. Hindi naman ako kasali du'n."

"Ako bahala sa 'yo."

"Ayan na naman 'yan. Sinabi mo na 'yan dati e, pero anong nangyari? Iniwan mo rin ako sa ere."

"Sige. Hindi na lang ako pupunta."

"Pumunta ka na. Okey lang ako. Hintayin na lang kita."

"Hindi na."

"Sus. Pumunta ka na."

"Basta bahala. Mamaya na lang natin pag-usapan sa bahay."

"Na-miss ko 'to," bulong niya.

"Ano?" kunwari hindi ko narinig.

"Na-miss ko 'to kako."

"Ano?"

"Ewan ko sa 'yo."

"Ewan mo?"

"'Eto sa 'yo."

Nagulat ako nang bigla siyang yumakap sa 'kin. Hindi niya kasi 'yon ginagawa dati kapag nakaangkas siya. Naramdaman kong unti-unti humihigpit ang pagyakap niya.

"Bakit ka-bilis ng kabog ng dibdib mo?" tanong niya.

"Ha?"

"Puro ka 'ha' at 'ano'."

"Kevin, bitawan mo 'ko. Nakikiliti ako. Puta, baka maaksidente tayo."

"Ano?" tanong niya.

"Ha?" tanong ko naman sa kanya.

"Nahulog tambutcho ng motor mo," mahina niyang sabi.

"Saan?"

Agad akong nagmenor. Tumabi agad ako sa gilid ng daan. Bumaba kami. Sinilip ko agad ang likuran ng motor. Nakakabit pa naman. Sunod kong sinipat ng mukha ni Kevin. Nakangisi.

"Joke lang," sabi niya.

Puta.


Tahimik lang siya habang kasama ang grupo, ang grupo ko. Halata kong na-OP si Huget. Nakaupo sa isang tabi. Namumula na siya. Naparami na 'ata ang inom niya. Lagi ko siya tinitignan. Hindi kasi siya makasali sa usapan. Bakit ko ba kasi siya dinala pa dito? Bakit ba kasi pinilit ko pa siyang isinama?

"Mark, painumin mo naman yung kaibigan mo. Pupunta-punta dito hindi naman pala iinom," sabi ng isa kong kasama.

Napatingin ako kay Kevin. Seryoso lang siya.

"Oo nga. Baka hinahanap na ng nanay niya 'yan," sagot naman ng isa pa.


Beep beep. Si Kevin.

Mark, kapag hindi ako nakapagtimpi sasapakin ko tong katabi ko. Kanina pa nanggagago.

Wag. Easy lang. Tara na?

Bahala ka.

Sige.

Tumayo na ako. Ako ang nagpaalam sa grupo. Aalis na kako kaming dalawa ni Kevin, sabi ko.

"KJ ka naman, Pare. Hinahanap ka na ba ng lola mo?" sabi ng isa. Nagtawanan sila.

Biglang tumayo si Kevin. Hinablot ang damit ng nagsalita. Nakaamba si Kevin ng suntok kaya agad akong pumagitna. Buti na lang agad naming naawat. Buti na lang naintindihan naman ng lahat. Buti na lang hindi na nagkagulo.

Hinila ko na si Kevin papalayo. Madali ko naman siya nailabas.

"Bakit?"

"Iuuwi na kita!"

"Hindi ako pwedeng umuwi."

"Bakit?"

"Hindi nila alam na nandito ako."

"Ha? Ano?"

"Basta, sa bahay niyo muna ako."

"Sige, sumakay ka na. Kumapit ka nang mabuti baka mahulog ka."

Hindi na siya sumagot dahil iniisip niya siguro na galit ako. Naramdaman ko na lang na biglang bumigat ang aking likod. Halos lahat ng bigat ng katawan niya ay nakasandal na sa akin. Maya-maya pa'y naramdaman kong unti-unti bumagsak ang kanyang mukha sa aking kanang balikat. Knock out.

"Hoy, wag ka matulog," sabi ko.

"Nahihilo lang ako pero hindi ako tulog."

"Kaya mo?"

"Oo."

Matagal ang naging biyahe namin dahil sa bagal ng takbo. Mga thirty minutes din 'yon, pero kung normal na biyahe ko siguro, nasa ten minutes lang. Malalim na ang gabi nang dumating kami sa bahay.

Nakaupo ako sa harap ng computer, nagne-net. Nakaupo siya sa dulo ng kama, medyo malayo sa kinauupuan ko. Katatapos lang niya maligo.

"Bakit mo ginawa 'yun?" mahinang tanong ko sa kanya.

"'Yung ano?" sagot niya.

Alam ko na alam niya ang tinutukoy ko. Hindi ako sumagot. Ilang sandali pa, nagsalita na ulit siya.

"Sorry, Mark. Ginawa ko 'yun dahil ayo' ko na may gumagago sa 'yo. Lagi kitang binabantayan kasi ayo' ko na masasaktan ka. Ayo' ko na nawawala ka sa paningin ko. Hindi ko alam kung ano iniisip mo. Hindi ko rin alam kung ano ang ginagawa ko. Basta masaya ako kapag kasama kita. Hindi ko alam kung ano ang tawag dito. Sabihin mo kung ano dapat kong gawin kasi ako hindi ko alam."

Hindi ko alam ang magiging sagot ko sa sinabi niya. Tumayo na lang ako. Naglakad papunta sa kanya. Nakatingin lang siya sa 'kin habang papalapit ako sa kanya. Hindi ko mabasa ang gusto niyang sabihin. Umupo lang ako sa tabi niya. Pabilis nang pabilis ang kabog ng dibdib ko. Hindi pa rin ako makakibo. Matagal na walang imikan. Siya ulit ang nagsalita.

"Galit ka ba?" tanong niya.

Hindi ulit ako nakasagot.

"May nagbago ba sa pagtingin mo sa 'kin?"

Umiling ako. "Hindi ko alam," sabi ko.

"Umuwi ako dito para sa 'yo. Magta-transfer ako sa school mo."

"'Wag."

"Bakit?"

"Graduating ka na. Kapag nag-transfer ka, maraming subjects mo ang baka hindi ma-credit sa school namin. Baka magkaproblema ka," sagot ko. Hindi pa rin ako makatingin sa kanya.

"Nakapagdesisyon na 'ko."

"Alam na ba sa inyo 'to?"

"Hindi pa. Kakausapin ko sila."

"Paano kung hindi sila pumayag?"

"Hindi ko alam."

Humarap ako sa kanya. Nagkatitigan kaming dalawa. Namumula pa rin siya. Hindi dahil sa alak, kun' di dahil siguro sa hiya. Malikot ang mga mata niya.

"Bakit mo ba 'to ginagawa? Baka hindi ko masuklian," sabi ko.

"Ewan. Okey lang."

Hindi ko na napigil ang sarili ko. Niyakap ko siya nang mahigpit. Nabigla siya sa ginawa ko. Hindi ko 'yon sukat akalaing magagawa ko. Lalaki ang nasa harap ko. Natatakot ako sa mundong pinapasok ko.

"Mark."

"Oh?"

"Mark."

"Ano?"

"Maligo ka muna. Ang baho mo na. Mamaya mo na ituloy 'yan," seryosong sabi niya pagkatapos ay bigla siyang tumawa.

Patay do'n!


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko