12
Napaisip ako bigla. Ano kayang problema no'n? Baka nagtatampo. Hindi siguro, pero... oo, baka nagtatampo lang. Napakamot ako sa ulo. Teka. Bakit nga ba ako naaapektuhan nang ganito? Hay. Buntong hininga. Naalala ko na naman ang sinabi niya. Oo nga. Iniwan ko siya. Kasalanan ko nga naman yun. Bahala na nga.
Tumayo na ako. Binuksan ang computer sa harap ko. Nag-log in sa YM. Offline si Mariel. Nag message pa rin ako.
Hon, kumusta?
Wala ng madalas sumaway sakin dito. Hehe.
Miss na kita.
Ingat ka palagi.
Love you.
Bye.
Log out.
Log in sa Facebook. Ten minutes. Log out.
Hindi pa 'ko inaantok.
Dota sa Garena Online. Nakaisang game lang ako. Nakakainip mga kalaban ko. Puro noob. Hindi pa rin ako inaantok.
Log in ulit sa Facebook. Search. Kevin Huget. Wall. Maraming naka-post ng kung anu-ano. Halos lahat galing sa ibang tao. Photos. Ang dami. Maraming tagged photos si Huget. Karamihan puro kautuan. Personal message.
Pare.
Sorry.
San kaba naglalagi?
Dalaw ka naman dito minsan.
O kaya, puntahan kita jan.
Libre kita ng Jollibee.
Bukas pala. Game namin.
Nuod ka. Hihintayin kita.
Reply ka naman. Miss na kita.
Mark.
Log out ulit.
Shut down ng computer. Pinatay na ang ilaw. Nahiga na sa kama pagkatapos. Bukas first game namin. Manunuod kaya siya? Sana manuod siya. Gagalingan ko.
* * *
Third quarter na pero wala pa din siya. Para naman akong timang nito. Tingin nang tingin sa paligid. Naghihintay. Baka sakaling dumating.
Substitute time-out!
"Mark, turnovers mo, ang dami..."
"Sorry, Coach."
"Pahinga ka muna 'jan."
"Sige."
"Titingin ka sa bola. Kung saan-saan ka tumitingin eh. Bla bla bla..."
"Sorry, Coach."
'Tang 'na. Tumalikod na lang ako.
Natapos ang buong game pero walang Kevin na dumating. Wala pa ata sa sampu ang puntos na nagawa ko sa buong laro. Nahiya ako sa dami ng turnovers ko. Ang dami ko ring sablay na basket. Malas! Buti na lang nanalo kami. Tatlong puntos lang. Muntik na kaming masilat ng kalaban.
* * *
Ilang araw nang hindi man lang nagparamdam si Kevin. Ilang araw ko na rin siyang hindi nakikita. Sabi ng iba kong kakilala, madalang na daw siya maglaro sa mga game nila. Gusto ko siyang kausapin. Gusto ko siyang puntahan. Hindi ko nga lang alam kung paano at kailan.
Isang araw. Inuman pagkatapos ng game. Apat lang kami na magkakaharap. Ako. Si Sam. Si Greg. Si Erik.
"Mark, next week na nga pala flight ko," sabi ng kaibigan kong taga-Amerika. Si Sam.
Tumango na lang ako. "Ingat. Next year siguro, nandito ka ulit?"
"Hindi ko alam. Baka after two years na."
"Ah."
"Ako din. Balik na 'ko sa Cebu sa Monday. Enroll-an na kasi," sabat naman ng isa sabay tungga ng baso.
"Ortho affiliation na namin. Hindi na rin ako makakapaglaro sa mga susunod na games," paalam naman ng isa na taga Manila.
"Ayan. Sana pala hindi na tayo sumama sa grupo. Ilan kayong aalis. Kawawa naman kaming matitira. Sana pala hindi ko iniwan yung dati kong mga kasamahan kung ganito lang din ang mangyayari. Iiwanan niyo rin ako sa ere," sabi ko. Seryosong tono.
Wala sa kanila ang nagsalita.
Ngumiti ako. Saglit lang. Nilagyan ko ng alak ang kanya-kanyang baso.
"Sige, mga pare. Itagay na lang yan," sabi ko.
Natawa ang lahat sa sinabi ko. Ako, seryoso. Nag-iisip ng kung anu-ano. Matagal-tagal ulit kaming hindi magkikita panigurado. Nalungkot ako. Oo nga. Ako na lang pala ang naiwan dito.
* * *
Monday.
Umuwi na si Erik sa Cebu. May laban kami nang araw na 'yon. Siyempre panalo. Nagkita nga pala kami ni Kevin sa basketball court. Nilapitan ko siya. Umapir. Tinanong ko. Sabi ko pasensya na pero matipid na okey lang ang sagot niya. Ngumiti ako. Ngumiti rin naman siya. Kinumusta ko pa pero nag-aapura daw siya.
Thursday.
Tumawag si Mariel. Batong-bato na raw siya do'n. Sabi ko umuwi na siya kung gano'n. Hindi daw. Kaya pa naman daw niya. Nakauwi na rin pala 'yong dalawang kabarkada ko. Si Sam sa Amerika at si Greg sa Manila.
Saturday.
Naipanalo namin yo'ng una sa tatlong laban sa quarter finals. Natalo naman sila Kevin. Nanood ako ng game nila. Hindi na niya hinintay ang game namin.
Five days later.
Nasa huling bahagi na ng torneyo. Nakapasok kami sa semi-finals. Do or die. Bukas ang laban. Kahit na kulang kami sa team dahil sa pagkawala ng tatlo, nagawa pa rin naming ituntong sa semi-finals. Sina Kevin naman, tuluyan nang nalaglag. Sunud-sunod kasi ang nakuha nilang pagkatalo. Si Kevin, lulubog lilitaw sa laro. Sayang. Nanghihinayang ako sa dati kong grupo.
Malalim na ang gabi. Hindi pa rin ako makatulog. Iniisip ko ang mangyayari bukas. Iniisip ko ang magiging laro. Meron pa palang isa.
Siya. Araw-araw na lang akong late nakakatulog dahil sa kanya. Ewan ko ba.
Beep. Beep.
Aalis nako. Uwi nako ng Manila. Start na ng klase sa isang linggo. Ingat nalang tol. Hanggang sa muli.
Si Kevin.