49


Naguguluhan ako... Bakit naguguluhan na naman ako? Isang daang libong beses ko nang pinag-isipan ang dapat kong gawin, pero bakit gano'n? Bigo pa rin ako na kalimutan siya.

Hay.

Tumayo ako. Nagsinop-sinop. Nilinis ang kwarto kong nawalan ng bihis, na nahubaran ng nagdaang gabi. Buntong-hininga. Napaisip na naman ako. Tang-na. Siya na naman ang naalala ko.

Kung napag-aaralan lang sana ang pinaka mabilis na paraan upang kalimutan ang tulad niya, kahit saang eskwelahan pa mag-e-enroll ako, kahit marami pang seatwork at homework, papasukan ko. Maturuan lang ang bobo kong puso.

Binitiwan ko na kung ano man ang ginagawa ko noong mga oras na 'yon.

Naligo ako at nagbihis. Nagpabango ako ng sampung beses. Nag-toothbrush, nag-mouthwash at nag-ahit ng balbas. Kahit para na akong tanga, makaalis lang ako pansamantala sa mundo kung saan ko siya naaalala.


* * *


Dumaan ako kay manong barbero, hindi para kumuha ng kwento, kundi para magpatabas ng buhok... para magpa semi-kalbo.

"Manong, gwapo na po ba 'ko?" tanong ko, nakaharap ako sa malapad na salamin habang siya ay abala sa pag-alis sa aking patilya.

"Syempre naman." Napapangiti pa si Manong.

"Aakyat po kasi ako ng ligaw, manong. Papasa na kaya ako? Ano sa tingin mo?"

"Pasadong pasado ka, Bata. Kung ako ang liligawan mo, u-oo agad ako sa 'yo."

Gano'n sana. Lakas ni Manong.

"Manong, basketbolista ka rin ba?"

"Hindi. Bakit?"

"Basketbolista po kasi ako pero hindi ako ganyan kalakas mambola."

"Hindi bola 'yun, Bata."

"Sige. Naniniwala na 'ko sa inyo. May isang tanong pa ako, Manong."

"Ang dami-dami mo naman tanong, Bata."

"Last na 'to."

"Sige. Ano ba 'yun?"

"Kunwari, close tayong dalawa. Kunwari lang naman. Tapos bibigyan kita ng regalo, anong regalo ang gusto mo? Nakuha mo ba manong? Basta parang tipong ganon."

"Nako. Hmm. Pwedeng bagay na gusto ko makuha, makita o kaya paborito ko. Dapat ikaw ang umisip nu'n. Hindi naman mahalaga kung ano, ang importante nakaalala ka."

"Wow."

Napakunot-noo tuloy ako.

Pagkatapos sa barber shop ni Manong, tuloy ako sa flower shop ni Manang Ising sa kanto. Bumili ako ng paboritong bulaklak ni Mariel, pulang rosas. Tatlong piraso.

Pagkatapos ay sumaglit ako sa mall para bumili ng isa pang regalo.

Pasado alas kwatro na ng hapon nang dumating ako sa bahay nina Mariel. Agad ko binigay ang binili kong bulaklak sa kanya.

"Pasensya ka na, Hon, ha? Medyo malungkot 'yung mga bulaklak. Hindi ko kasi nasamahan ng chocolates. Ayo' ko kasi tumaba ka," palusot ko. Sa totoo lang kinulang talaga ako ng pera para makabili pa ng tsokolate para sa kanya. May ibang pagkakataon pa naman.

"Ikaw talaga. Oh, teka bakit nagbago itsura mo?"

"Wala lang. Maiba lang. Nagustuhan mo ba?"

"Oo naman. At bakit may bag ka pang dala?"

"Trip-trip lang."

"Kaloko mo."

"Hehe. Merry Christmas."

"Hindi mo man lang ako ni-reply-an. Hmmp. Ilang beses kita tinext kanina."

"Nandito naman na 'ko eh."

Lumapit ako, tumabi ako sa kanya. Kinuha ko ang kanyang kamay. Hinawakan ko yun ng mahigpit at idinaan ang tampo niya sa ngiti.

Gumanti siya ng ngiti kaya alam kong tapos na ang drama niya.

Nagulat ako ng biglang lumapit ang tatay niya. Hindi ko napansin. Nakaligtaan ko na nasa likod lang pala namin.

"Mark," suway ng tatay niya. Ang laki ng boses kaya mas nakakatakot.

"Po," sagot ko.

Nakatingin lang ako kay Mariel. Bigla akong natakot, gaya ng naramdaman ko tatlong taon na ang nakararaan ng una akong tumuntong sa bahay nila, bilang isang manliligaw ng anak niya.

"Halika."

Tumayo naman agad ako pero hindi ko iniwan ng tingin si Mariel.

Inakbayan ako ng tatay niya na dalawang beses na mas malaki ang katawan kaysa sa akin.

"Tara, shot tayo," aya niya.

Patay do'n! Akala ko kung ano na.

"Tay naman. Hindi masyado umiinom si Mark," sabi ni Mariel.

Hindi masyado amp. Parang sinabi din niyang lasenggero ako.

"Isang tagay lang, Anak. Saka para naman masmakilala ko pa 'tong boyfriend mo."

Tumango ako kay Mariel. "Okey lang," sabi ko sa kanya pero walang lumabas na boses sa bibig ko.

Inalog ako sa pagkakaakbay ng tatay niya.

"Oh ano, Mark?"

"Sige po. Tara."

Kumaway na lang ako kay Mariel. Dinala ako ng tatay niya sa likod ng bahay nila. Doon pala nagaganap ang inuman ng magkakaharap sa ngalan ng alak.

Nandoon ang iba niyang mga pinsan, mga tito, at kung sino-sino. Patay ako nito, kako. Patay na naman ako.

"Ikaw ba yung Mark?" tanong ng isa, tito ang pakilala.

"Opo."

"Itagay mo." Iniabot niya 'yong maliit na baso na may lamang likido na hindi ko mawari kung ano.

Kinuha ko naman agad 'yon. Mabilis kong ininom. Puta. Gumuguhit sa lalamunan. Ang tapang.

Lasang Matador. Sinipat ko agad yung bote no'n. Tama nga!

Ang isang toma naging pito... hindi pala... sampu... parang labinlima. Basta, hindi ko na mabilang kung ilang beses tumapat sa akin ang pag-ikot ng baso.

Hanep na Pasko ko.


* * *


"Hon, 'wag ka na umuwi. Dito ka na lang matulog."

"Hindi, Hon. Uuwi ako. Nakapagpahinga naman ako kahit papa'no."

"Gabi na. Delikado kapag nagmaneho ka pa. Lasing ka na."

"Kaya ko. Don't worry, Baby."

"Tignan mo. Kung ano-ano na sinasabi mo."

Pinisil ko ang kanyang pisngi. "Ikaw naman."

"Bahala ka na nga."

"Bye, Hon. Isang kiss naman 'jan. Tssk."

"Kulit mo. Dito ka na nga matulog."

"Next time, Baby." Ngumiti ako. Hindi ko nga lang alam kung ano itsura ko. "I-kiss mo na 'ko. Please. Bago ako umalis."

Kiniss niya ako sa pisngi. Umalis na 'ko.

Motor ang gamit ko. Sa tingin ko, kaya ko naman magmaneho kahit medyo nahihilo.

Nagdahan-dahan na lang ako.


Oy Cris, sabihin mo sa kuya mo lumabas siya. Andito ako sa labas niyo.


Text ko sa kanya. Nakapatay kasi cellphone ng kuya niya.


Tulog na siya brader. Wait. Ako nalang lalabas.


Hindi. Hindi pa yan tulog. Sabihin mo hindi ako aalis dito kapag hindi niya ako nilabas. Reply ko.


Hindi na siya nagreply. Matagal akong naghintay.

Nakaupo ako sa harap ng gate nila. Nahihilo na rin kasi ako. Inaantok pa.

Biglang bumukas ang gate.


"Bakit nandito ka?"

Nilingon ko siya.

"Ang tagal mo. Kanina pa ako dito."

"Umuwi ka na. Gabi ka na."

"Ayaw mo ba ako makita, ha?"

"Lasing ka ba? Lasing ka na naman."

"Bakit mo ba binabago usapan, ha?"

"'Jan ka lang. Iwan mo na dito 'yung motor mo. Ihahatid na kita."

"Ayo' ko. Sagutin mo muna tanong ko."

Iba talaga ang nagagawa ng alak sa 'kin.

Hindi niya ako pinansin. Kinuha niya 'yong motor ko na nakaparada sa gilid. Pinigilan ko siya pero mas malakas siya sa akin noon kaya wala akong nagawa. Ipinasok niya 'yon sa bakuran nila. Pumasok siya saglit sa loob ng bahay, may kinuha.

Pagkatapos ay inilabas niya 'yong kotse. Nakapambahay pa siya.

"Sakay."

"Ayo' ko."

"Sakay sabi eh. Sasagasaan kita 'jan."

"Sige. Subukan mo."

Bumaba ulit siya. Napakamot ng ulo. Nilapitan ulit ako.

"Kulit mo. Sige na." Tinitigan niya ako nang seryoso.

Sumakay na ako.

Mabilis niyang inarangkada ang sasakyan papaliko.

"Ikaw ata lasing eh. Hindi naman 'jan 'yung daan papunta sa 'min."

"'Di ba ayaw mo umuwi?"

"Nagbago na isip ko. Umuwi na tayo."

Nagpreno siya. Nag-full stop kami sa gitna ng daan. Tinignan ko siya. Lasing ako pero natatakot ako sa kanya.

"Sorry, Kevin," sabi ko. Kinuha ko 'yong bag ko. Kinuha ko 'yong nasa loob at iniabot sa kanya. "Oh. Para sa 'yo. Binili ko kanina pero wala talaga akong plano ibigay 'yan sa 'yo ngayon. Sa ibang araw sana—basta kung kailan pwede o kahit hindi na. Basta."

"Oh, bakit nandito ka ngayon?"

"Napasubo lang. Lumakas ng konti loob ko na puntahan ka. Nakakahiya naman, wala akong regalo sa kaibigan ko."

May bumusina sa likod ng sasakyan, malakas. Busina 'yon ng kasunod. Itinabi ni Kevin ang sasakyan sa gilid ng daan.

Inabot ko ulit 'yong binibigay ko sa kanya. Tinitigan lang niya. Hindi niya kinukuha.

Binuksan ko na sa harap niya. Nakabalot kasi 'yon ng bond paper.

"Ano 'yan?" nagtatakang tanong niya.

"Jersey."

"Aanhin ko 'yan?"

"Jersey ni Kobe 'yan. Paborito mo 'yan, 'di ba?"

Kinuha niya. Natawa.

"Nakikita mo ba sarili mo? Tignan mo nga muna kaya sa salamin ng makita mo."

"Ha?"

"Wala. Nag-abala ka pa, kako."

"Eh naalala ko lang bigla. Oh, sige na, ihatid mo na 'ko. Promise matutulog na 'ko."

Pinaandar na niya ang sasakyan pero hindi niya ibinalik sa daan pauwi sa bahay namin. Matulin ang andar. Rumaragasa sa tulin.

"Oy, Kevin... ano ba ginagawa mo? Iuwi mo na 'ko."

"Wag muna. May pupuntahan tayo."

"'Takte. Ibalik mo na. Nahihilo na 'ko."

"Sumakay ka lang 'jan. Ako bahala."

"Saan ba tayo pupunta?"

"Sa... Baguio."

Pusa!


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko