40


"Sorry. Come again?"

Lumapit siya. Tinapat sa tenga ko ang bibig niya.

"I said, can I get his number."

"Ah. Later."

Kinuha niya 'yong phone niya sa maliit niyang bag at inabot sa akin.

Kinuha ko naman agad 'yong phone na inaabot niya.

"Thank you," sabi niya. Tumango naman ako at ngumiti sa kanya.

Pagkatapos ay mabilis ko naman tinype 'yong number ni Kevin at iniabot ko na agad sa kanya.

Alam kong hindi tama na ibigay ko na lang basta-basta ang number niya nang hindi man lang siya hinihingan ng pahintulot pero nakakahiya naman kung tatanggihan ko.

"Wow. Kabisadong-kabisado mo number ah."

Ngumiti na lang ulit ako imbis na magsalita.

"By the way, I'm April."

Inabot ko naman ang kamay niya. Tinanggap ang kanyang ngiti. Sinuklian 'yon ng isa ring ngiti. Siguro, hindi na 'ko kailangan magpakilala pa dahil kilala naman na niya ako. Hindi ko na rin siguro dapat pa tanungin kung paano niya 'yon nalaman, maliban na lang kung siya mismo ang magsasabi no'n sa akin.

Umilaw ang pantalon ko. Sa bandang bulsa kung saan nakalagay ang cellphone ko.

"Excuse me," sabi ko.

Kinuha ko naman agad. May apat na pala akong text. Hindi ko narinig yung alert tone dahil naka level one lang 'yon. Isa pa, maingay sa loob.

Saan ka?

Hindi kita makita.

Mark.

Text ka naman. Gusto kita makita.

Lahat ng text messages galing kay Kevin kaya tinuon ko agad ang mga mata ko sa loob ng court. Hinanap ko siya sa mga naglalaro pero wala. Nakalabas na pala si Kevin. Hindi ko man lang napansin. Nakaupo siya sa bench, hawak ang kanyang cellphone habang palinga-linga ng tingin. Malamang hinahanap niya ako... kung saan ako gawi nakaupo.

Magrereply sana ako nang biglang may dumating ulit na text.

Mark para sayo ang game nato.

Hindi ko na siya nireplyan. Pinagmasdan ko na lang siyang maigi mula sa aking kinauupuan.


Buzz. Buzz.


Substitution.


Pumito naman si ref habang nakataas ang nakasenyas niyang kamay. Huminto saglit ang laban habang ang karamihan ng mga mata ay nakatingin sa gawi kung nasaan si Kevin. Tila nagmamatyag sa bawat kanyang gawin.

Tumayo si Kevin bago tuluyang pumasok sa loob ng game. Nakita kong iginala ulit niya ang kanyang tingin sa malawak at punong-punong gym.

Simula pa lang, naka-double team na agad ang depensa ng kalaban. Mahigpitan ang bantayan. Takaw sa foul... sa mga hard fouls. Masyadong pisikal ang gano'ng laro.

"Suplado ka pala."

Natigilan na naman ako. Naputol na naman ang pinapanuod ko.

"Ha?"

Tinutok na naman niya ang bibig niya sa aking tenga.

"Suplado ka pala."

"Sorry. Ano ba atin?"

"Napakatipid mo naman kasi sumagot. Wala naman sanang bayad ang magsalita."

"Gano'n ba? Sorry ulit. Nanonood kasi ako e."

"Naiistorbo pala kita. Hmmp."

"Nako hindi... hindi gano'n ang ibig kong sabihin."

Hindi siya umimik. Nahiya ako sa kanya. Mukhang nabastos ko 'ata siya.

Inabot ko ang kamay ko sa kanya, nakangiti. Nakikipagkamay ako sa pangalawang pagkakataon.

Tinanggap naman niya 'yon. Buti na lang.

"Siya nga pala, I'm Mark Lopez III. Hindi ako nakapagpakilala sa 'yo kanina nang matino. Pasensya ka na."

"Yeah, I know. Kilalang-kilala kita."

Napaisip ako bigla. Napahinga nang malalim. Sinubukan kong halukayin ang utak ko... pero talagang hindi ko siya mahagilap sa memorya ko. Hindi ko talaga siya matandaan kung nagkasama o nagkakilala na kami noon.

"April Santos," dagdag niya.

"Ah."

"Hindi mo ba tatanungin kung kilala ko si Mariel Santos? 'Yung girlfriend mo."

Nanlaki na lang ang mga mata ko. Natigilan nang ilang segundo.

"Kaano-ano mo si Mariel?"

"Pinsan."

"Ah," maikli kong tugon.

"Mukhang kinalimutan mo na 'ata ang pinsan ko."

"Bakit mo naman nasabi?"

"Hindi mo na kasi siya kinukumusta man lang. Tapos, kita mo, ang titipid pa ng mga sagot mo nu'ng nabanggit ko ang pangalan niya. Parang wala lang. Parang hindi mo man lang na-miss 'yung tao. Samantalang ikaw, lagi ka niya kinukwento."

"Hindi gano'n 'yun. Mali ka sa inaakala mo."

"Sana nga mali lang ako. Siya nga pala, uuwi siya. Malapit na."

"Ha?"

"'Ayan ka na naman, Mark. 'Ah' at 'ha' na lang ba ang isasagot mo?"

"Kailan?"

"Hmmp. Hindi ko pa alam. Ayaw niya sabihin."

Mahabang buzzer kasunod ng mahabang pito ng referee. Tumahimik bigla ang crowd.

Isang injury time out ang tinawag ng committee.

Hinanap ko agad si Kevin.

Nakita ko siya nakahiga sa bandang gilid ng court hawak-hawak ang kanyang paa habang ang iba niyang kasama ay nakapalibot sa kanya.

"Mark, may injury yata si Kevin," sabi ni April na katabi ko.

Pucha!


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko