38
"Umiiyak ka ba?"
"Hindi ah."
"Sus, umiiyak ka e."
"Hindi nga. Kulit mo."
"Tatanggi ka pa. E basang-basa na ng luha mo ang likod ko."
"Napuwing lang ako."
"Ngek."
Kumawala na ako sa pagkakayakap sa kanya. Agad kong pinunasan ang luhang sinasabi niya. Siya naman ay hindi mapakali kakangisi. Ang sarap lang tadyakan.
Hindi na kami lumabas para mag-Jollibee. Hindi ko na rin siya pinauwi sa bahay nila dahil malalim na ang gabi.
"Kevin, ano oras uwian mo bukas?
"Five."
"Ah."
"Bakit?"
"Puntahan kita sa klase mo nang alas tres."
"Bakit nga?"
"'Wag ka na maraming tanong. Basta, ihanda mo na lang sarili mo."
"Para ka naman bugaw niyan. Hahaha!"
"Basta, dadaanan kita bago mag-alas tres."
"May pasok pa nga ako nu'n. Kakulit."
"Lakasan mo na lang loob mo. Hahaha!"
"Bahala ka na nga bata ka. Kakulit mo."
"Gisingin mo nga pala ako bukas."
"Ako?"
"Yep. Gisingin mo 'ko nang alas otso."
"Bakit ako? Wala ka bang alarm clock?"
"E baka kasi hindi ako magising ng simpleng alarm lang."
"Kaya ako ang magsasakripisyo para sa'yo? Gano'n?"
"Sige na. 'Di ba may kasunduan tayo kanina sa spin the bottle. Imbes na buong linggo kita uutusan, isang beses na lang. Bukas lang."
"Ohige. Nakakahiya naman sa 'yo."
"Salamat."
Tinitigan niya ako. Nginitian ko naman siya. Ilang sandali pa ay ngumiti na rin siya.
"'Di ba ten yung klase mo? Parehas tayo," tanong niya.
"May mahalaga lang akong gagawin sa school."
"Sus."
"Ano sabi mo?"
"Ang bait mo kako."
* * *
Maaga naman akong nagising, este, ginising ni Kevin. Nag-alarm pa daw siya para sa akin. Pagbangon ko, nakahanda na lahat ng gagamitin ko. Ni-ready na rin niya lahat para papasok na lang daw ako. Swerte ko naman.
Sabay na kaming umalis. Siya ay diretso uwi sa bahay at ako naman ay sa school para sa importanteng bagay. Excited na ako para mamaya. Hindi na ako makapaghintay. Hay.
Hindi na sana ako papasok sa first subject ko, pero buti na lang, naayos ko agad 'yong mga dapat kong ayusin. Lumipad lang ang isip ko kung saan-saan. Natapos ang dalawang oras na klase nang hindi ko namamalayan. Pagdating ng lunch break, umuwi ako ng bahay. Ginayak ang ilang mga gagamitin para mamaya.
Hindi ko na rin nakuhang mag-lunch. Na-late pa ako nang thirty minutes sa unang subject ko sa hapon. Katulad kanina, gano'n din naman. Wala rin akong natutunan. Siguro, excited lang ako.
Late na kaming pinalabas ng klase. Malapit na daw kasi ang examination week kaya naghahabol kami ng ilang mga naiwang topics. Kainis. Bakit ngayon pa. Ako ang kauna-unahang lumabas ng classroom at dali-daling pumunta sa building nila Kevin. Sakto naman ang dating ko... saktong nasa gitna ng klase si loko.
Kumatok ako sa pinto. Napalakas ang bukas. Natigilan ang buong klase. Mukhang nagambala ko 'ata ang mga daga sa kanilang lungga. Dumiretso lang ako sa loob ng kwarto. Patay malisya sa kanila.
Kinuha ko sa bag 'yong letter. Inabot ko na lang agad 'yon para hindi na masyadong magtanong si titser. Mukha kasing terror. Mabalasik ang mukha, hanep kung makatingin at nakakatakot.
Binasa naman niya agad ang liham na inabot ko. Pagkatapos basahin ay binigyan ako ni teacher ng matinding tingin. Napalunok tuloy ako sa kaba. Hindi ko alam ang gagawin.
"Mr. Huget. Good luck sa game. You're now excused."
"Thank you, Ma'am," sabi ko.
Marunong naman palang ngumiti si titser.
Nanlalaki ang mga mata ni Kevin. Wala siyang ideya kung ano ang sinasabi namin. Lumapit na agad ako sa kanya.
"Tara."
Sumama naman siya agad sa 'kin palabas ng classroom habang ang kanyang mga classmates ay nakatingin lang sa amin.
"Anong game ba 'yung sinasabi nu'n?" tanong niya.
"'Di ba gusto mo lumaro sa varsity team?"
"Oo, bakit?"
"Maglalaro ka na ngayon."
"'Di nga?"
Tumango ako. Sobrang ngiti naman si loko. Ang saya niya pero sigurado akong mas masaya ako para sa kanya.
"Pa'no wala akong gamit panglaro?"
"Makakalimutan ko ba naman 'yun. 'Eto, oh."
Inabot ko 'yung dala kong bag. Binuksan naman niya agad.
"Bakit kulang?"
"Pa'nong kulang ba?"
"Tig-iisang pares lang 'to."
"Hindi ako maglalaro. Ikaw ang pinalit ko sa slot ko. Maaga akong pumasok kanina para kausapin yung mga kasama ko, sila Coach, para maipasok ka. Pinapirmahan ko na rin 'yung excuse letter mo kanina."
"Hala. Bakit naman hindi ka lalaro?"
"Kumpleto na kasi 'yung team. Katorse na kayo. Wala nang ibang slot. Basta gilasan mo ha? Sabi ko sa kanila, the best ka."
"Mark, para sa 'yo 'yun."
"Hindi. Para sa 'yo 'to. Huwag mo 'ko tanggihan kasi magtatampo ako sa 'yo."
"Salamat, Mark."
"Oh, siya. Tara na. 'Wag ka na mag-drama. Nagwa-warm up na siguro sila."
Inakbayan ko siya.
* * *
Kalahati na ng sitting capacity ng gym ang occupied nang pumasok kami. Karamihan puro taga-ibang school ang nanonood. May mangilan-ngilang nursing students ng St. Jude ang naroon. Malamang, maya-maya lang dadagsa na ang mga tao. Invitational game 'yon ng school namin sa kalabang school, 'yong school na lagi namin nakakatapat sa basketball.
Isinama ko siya sa bench ng team, sa buong grupo. Hindi naman na ako nahirapan na ipakilala siya dahil nakikita naman na siya nila sa school.
"Magbihis ka na."
"Sigurado ka bang okey lang sa 'yo?"
"Okey lang ako."
"Salamat ulit, Mark."
Kinuha ko 'yong bag na dala niya. Binuksan ko.
"Oh, ayan. Jersey ko ang isusuot mo. Dala-dala mo ang apelido ko, kaya galingan mo."