28


Hindi naman ako galit sa kanya, sa ginawa niyang pagsapak sa akin, dahil nararapat lang naman 'yon para pagbayaran ang aking mga kasalanan. Pero hindi ko talaga maalis ang tampo ko sa kanya. Ang dahilan? Hindi ko alam.

"Naririnig mo ba ako? Umalis ka na kako dito. Hindi kita kailangan."

Tumayo siya at lumapit sa akin.

"Galit ka sa 'kin, ha? Sapakin mo 'ko." Nilapit niya ang kanyang mukha. "Sige sapakin mo 'ko. Tutal, 'yan naman ang gusto mo, di 'ba? Nagagalit ka sa 'kin dahil sinaktan kita? Pagkakataon mo na. 'Eto, gumanti ka. Sapakin mo rin ako."

Hindi ako kumibo. Hindi ko kayang gawin ang sinasabi niya.

"Akala mo ba ikaw lang ang nasaktan? Mas masakit ang ginawa mo, Mark," dagdag pa niya.

Pinangako ko sa sarili ko na hindi na ako muling iiyak. Sapat na ang mga luha na bumuhos no'ng mga nakaraang araw. Masyado ko nang binaba ang pagkalalaki ko. Nawawala na ang pagkaastig ko. Ayaw ko ng gano'n.

Kahit anong pilit ko, pumatak pa rin ang aking luha nang hindi ko namamalayan. Sinubukan kong itago pero nabigo ako. Tumalikod ako pero hinawakan niya ako. Kinuha niya ang aking ulo at nilagay sa kanyang balikat, hinaplos ang aking buhok. Niyakap niya ako nang mahigpit, hinagod ang aking likod.


I was standing
All alone against the world outside
You were searching
For a place to hide

Lost and lonely
Now you've given me the will to survive
When we're hungry...love will keep us alive

Don't you worry
Sometimes you've just gotta let it ride
The world is changing
Right before your eyes

Now I've found you
There's no more emptiness inside
When we're hungry...love will keep us alive

I would die for you
Climb the highest mountain
Baby, there's nothing I wouldn't do

I was standing
All alone against the world outside
You were searching
For a place to hide

Lost and lonely
Now you've given me the will to survive
When we're hungry...love will keep us alive...


"Ayos ba?" tanong niya.

"Hanep, Kevin, ang lakas ng loob mo kumanta."

"Hanep, Mark, ang lakas ng loob mong manglait. Ikaw na nga 'tong..." napailing siya. "Bad trip."

"Hayaan mo na. Gano'n talaga. Hindi lahat ibinigay sa 'yo. Gwapo ka kaya tanggapin mo na pangit talaga boses mo," sabi ko.

"Mark."

"Bakit?"

"'Wag mo naman pagpunasan ng sipon 'yung T-shirt ko. Giordano yan. Kahilig..."

Loko 'to ah. Biglaang eentra ng gano'n. Naging katatawanan tuloy ang sana'y seryosong usapan.

"Mark, maligo ka na. Amoy paksiw ka na," pang-aasar pa niya.

Patay do'n! Ayaw tumigil ni loko.

"Maligo ka na bilis. Jollibee tayo," sabi niya.

Ngumiti siya.

"Libre mo?"

"Oo na."

Ngumiti ako.

"Diretso ka na sa banyo. Bilis. Ako na maggagayak ng bihisan mo."

Kahit naliligo, hindi pa rin maalis ang ngiti ko. Hindi ko na naisarado ang pintuan ng banyo sa sobrang saya.

"Mark, yung towel at brief mo nakasabit sa doorknob. Hindi mo sinara 'yung pintuan. Akala mo naman papasukin kita," sigaw niya.

"Bugok, nakalimutan ko lang 'yun."

Nahiya naman ako.


*    *    *


Sa Jollibee.


"Mark, bilisan mo kumain. May pupuntahan tayo."

"Saan na naman?"

"Basta." Ngumiti na naman siya, nakakagago.

"'Ayan na naman yan. Loko ka. 'Wag na. Mag bola na lang tayo maya-maya. Dadayo tayo. Makikipagpustahan tayo sa kabilang bayan."

"Hindi ka ba nagsasawa sa bola. Basta, maganda 'tong iniisip ko."

"Saan ba?" tanong ko. Nakakunot na noo ko, nagtataka, kinakabahan.

"Basta."

"Loko ka. Monday bukas. Buong linggo na akong absent."

"Basta, uuwi rin tayo mamaya."

Kung dati bigla kaming napunta ng Baguio City, baka ngayon mapunta naman kami sa Tawi-Tawi. Hahaha! Wala naman akong napansin na bag o kahit anong gamit sa kotse niya.

"Sa daan na lang natin kainin 'yan. Tara na," sabi niya habang nakatingin sa kanyang relo.

Alas dos y medya pa lang naman. Anong problema nito? Mas lalo pa tuloy akong kinabahan. Bahala na nga si Batman. Pumayag na rin ako.

Palabas na kami ng Pampanga, papuntang South. May kabilisan ang aming takbo. Halatang nag-aapura ang driver, mukhang may hinahabol.

"Oy, malayo na tayo ah. Saan ba talaga tayo pupunta?"

"Pssst." Sumenyas siya, nakaturo sa kanyang bibig.

Buset na Kevin 'to, may nalalaman pang gano'n. Kasarap lang tadyakan.

Nang makarating kami ng NLEX, mas lalo pa akong kinabahan. Malayo na kami, malayo na sa aming bayan. Tama 'ata yung sinabi ko, sa Tawi-Tawi kami nito.

"Tawi-Tawi?"

Umiling siya.

"Basilan?"

Umiling siya.

"Manila?"

Ngumiti lang siya kaya alam ko na. Pero saan sa Manila? Ang daming pwedeng puntahan do'n. Baka sa bahay nila, pero ano naman ang gagawin namin do'n? Sumasakit na ang ulo ko kakaisip kaya tinigil ko na lang.

Alas singko na ng hapon ng makatuntong kami sa Manila. Medyo mabigat na ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro kaya andaming shortcuts na ginawa ni Kevin. Halatang may hinahabol. Hindi ko lang alam kung ano.


*    *    *


Makapigil-hininga ang paglubog ng araw habang pinanonood mo 'yon sa gilid ng dagat. Maraming beses ko na 'yon naranasan dati. Ang pagkakaiba lang ay kasama ko ngayon si Kevin. Pumupula ng husto ang kalangitan habang papalubog si haring araw. 'Yon ang nagbibigay ng kakaibang appeal sa sunset ng Manila Bay. Tama sila. Manila sunset is the best sunset in the world.

"Dito sa Baywalk ang pinakamagandang lugar to view the sunset in Manila Bay," sabi niya. Magkatabi kaming nakaupo, nakaharap sa dagat. "Nagustuhan mo?" tanong niya.

Tumango ako. Nakatingin lang ako sa malayo, pinagmamasdan ang pagbabago ng kulay ng kalangitan. Nagmimistulang isang malaking salamin ang karagatan sa magandang kalangitan. Ang hampas ng alon sa dalampasigan ang nagdadagdag ganda sa lugar.

"Lagi ka ba dito dati?" tanong ko.

"Yes."

"Ah..."

Huminga siya ng malalim.

"Sana sa pagtanda natin makabalik tayo dito at sana kapag dumating ang oras na 'yun..." Humampas ang alon, malakas. Tumigil siya saglit, huminga ulit ng malalim. "Sana sa oras na 'yun kasama pa rin kita."

Nakatoon pa rin ang aking paningin sa kalangitan, sa dagat, sa palubog na araw. Tahimik lang ako habang nakikinig sa kanya.

"Mark, masaya ka?" tanong niya.

Tumango lang ulit ako, ngumiti habang nakatingin pa rin sa malayo.

"Ayo' kong gumising isang araw na tapos na pala ang panaginip na ito. Kung kasalanan ang pag-ibig sa 'yo, paninindigan kong maging makasalanan habang buhay." Siya ulit ang nagsalita.

Tinignan ko siya. Tinitigan ko nang mabuti ang kanyang mukha, nakatingin lang din siya sa malayo habang nagsasalita. Hinayaan lang niya ako na titigan ang maamo niyang mukha.


*    *    *


Alas dose na halos ng gabi nang makauwi ako ng bahay. Hindi ko na siya pinababa ng sasakyan para makapagpahinga na siya agad. May pasok pa kasi kami kinabukasan.

Ilang oras na ang nakakalipas pero hindi pa rin ako makatulog.

Mababaliw na ata ako kakaisip kay Kevin...


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko