21


Biglang kumabog ang dibdib ko. Palakas nang palakas, pabilis nang pabilis. Parang huling tatlong segundo sa finals ang pakiramdam. 'Yong tipong lamang ang kalaban ng isa at nasa akin ang bola, ako ang titira. Gano'n. Basta.


Lumapit ako. Umupo ako katabi niya. Inakbayan ko siya.

"Mark, bukas na uwi natin."

"Baka kasi hindi ko matumbasan pagmamahal mo."

"May gusto ka pa bang daanan bukas bago tayo umuwi?"

"Ingatan mo 'yang bracelet, ha?"

"Maaga tayo bukas. Matulog ka na para maaga ka magising."

"'Pag nawala 'yan, sasakalin kita."

"Ano?"

"'Yung bracelet."

"Mahal kita."

Tumalikod ako sa kanya. Humarap sa salamin. Hinagod ang buhok, inayos ang patilya, ngumuso, nilabas ang ngipin, ngumiti.

Sumikip ang aking paghinga. Niyakap niya ako, mahigpit. Nakikita ko siya mula sa salamin. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay na nakatali sa aking katawan. Buong lakas kong inalis ang kadena ng kanyang pagkakayakap.

Humarap ako sa kanya. Hindi siya makatingin nang diretso sa akin. Nanginginig ang kanyang mga labi. Hindi ko inasahang papatak ang luha niya. Isa.

Umalis siya sa harapan ko, umupo sa isang gilid ng kwarto. Walang imikan.

Ilang sandali pa, tumayo muli siya. Naglakad siya. Tinignan ko lang siya. Pumasok siya sa bukas na banyo na ilang hakbang lang ang layo sa kanya. Binuksan ang ilaw, binuksan ang heater, binuksan ang shower. Hindi ako kalayuan, kaya nakikita ko ang bawat galaw niya. Itinapat niya ang kanyang sarili sa ilalim ng shower. Nabasa ang kanyang buong katawan. Hindi ko alam kung anong iniisip niya.

Buntong hininga. Naglakad ako ng ilang hakbang patungo sa kinaroroonan nya. Kumakabog na naman ang dibdib ko. Parang sasabog. Lumapit pa ako sa kanya. Niyakap ko siya.

"Mark—"

Hinaplos ko ang kanyang buhok, mukha, at mga labi. Hinalikan ko siya. Gumanti siya. Hinubad niya ang basa kong damit. Hinubad ko rin ang sa kanya. Muli, naglapat ang aming mga labi.

Habol sa paghinga kaming dalawa. Para akong nalulunod sa kaba. Gusto ko nang tumigil pero hindi ko makaya.

"Nilalamig ako," bulong niya sabay sa ingay ng tubig na patuloy na bumabagsak sa aming mukha.

Natauhan ako. Nakabalik ako sa dati kong mundo.

Tumigil ako. Natigilan din siya. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha.

"Sorry," sabi ko.

Napangiti siya sabay tango. Alam kong naintindihan niya gusto kong ipahatid.

Tumalikod ako. Lumabas ng banyo. Pumasok ako sa isang kwarto. Nagpunas ako ng katawan. Nagbihis nang mabilis at pagkatapos ay pumunta sa sala. Binuksan ang TV at naupo sa harap nun na parang walang nangyari.

Muntik na. Muntik na kaming dalawa. Buti na lang.


*    *    *


Beep. Beep. Si Kevin.

Oy Mark, check mo email ko.

Sige. Mamaya.

Ngayon na.

Mamaya na. Kakulit mo.

Ngayon na kasi.

Hindi na ako nag-reply. Ilang minuto pa, nag-text na naman siya.

Oy Mark.

Grrr. Ano ba kasi yun?

Basta tignan mo na. Hehe. Ano ba kasi ginagawa mo?

Nanunuod ako ng NBA. Replay.

Portland at Knicks?

Oo.

Nako wag mo na panuodin yan. Alam ko na kung sino nanalo.

Wag mo sabihin. Yariin ko muna.

Sige hindi ko sasabihin na ang nanalo ay Portland. 89-91.

Puta!

Sorry. Hindi ko sinasadya.

O sige na. Wag kana makulit. Check ko na email mo.

Hindi na siya nagreply.


Buset na Kevin. Nawala tuloy gana kong manood ng game. Pagkahintay-hintay ko pa naman 'yon.

Nakabukas naman 'yong computer kaya in-open ko na agad 'yong account ko. Ang daming messages, karamihan galing kay Mariel. Wala naman bago sa mga mensahe niya kaya hindi ko na nireplyan. Binuksan ko 'yong email ni Huget. Virus ang subject kaya tinext ko muna siya.


Hoy Kevin anong virus?

Joke lang yun. Buksan mo na.

Baka puro kalokohan na naman yan.

Kapag hindi na ako nakapag-reply malamng tulog na ako. Good night.


Binuksan ko 'yong email. May link kaya binuksan ko naman. Bumukas sa another tab ang isang site. Photobucket account ni Kevin. Ang daming pictures at karamihan ay kuha namin sa Baguio. MK ang name ng folder. Binuksan ko 'yong pictures ni manong guard sa The Mansion, 'yong mga pictures namin sa Botanical Garden, sa Mines View, sa Grotto at sa bahay na tinuluyan namin. Puta, may mga pictures pa ako habang tulog, nakatalikod, nakadungaw sa labas at kung ano-ano pa. Bigla kong na-miss ang Baguio.

Paulit-ulit ko 'yon tinignan. Para akong tangang ngumingiti mag-isa.

Kinuha ko 'yong isang picture naming kuha sa Mines View Park. Magkaakbay kami, wacky shot. Ginawa ko 'yong desktop background ng computer ko.

Hindi ko na pinatay ang computer at tinitigan na lang ang desktop background buong magdamag.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko