6


Panalo kami sa game. Naipako namin ang kanilang score sa mga huling minuto ng laban. Sunod-sunod na jump shots ang pinakawalan ni Huget sa labas ng three point line. Mabilis naming nabaliktad ang takbo ng laro. Highest pointer ako na may bente-tres puntos sa kabuuang game habang pangalawa naman si Huget na may bente-uno. Karamihan ng puntos ko, galing sa mga assists niya. Malinis siyang maglaro. Hindi katulad ko, magaslaw. May iba siyang galaw na hindi ko masundan. Aminado ako, mas magaling siya sa akin.


*             *             *


Nag-text ako sa kanya. Nagpaalam ako sa kanya na hindi na makakapunta. Alas dos na ng umaga. Ilang sandali pa, nakatanggap ako ng tawag mula sa kanya.


Kanina pa kita hinihintay.

Sensya na, Pare. Late na kasi lumabas si Mariel sa duty. Kain sa labas. Napahaba ang kwentuhan.

Hindi ka na pupunta?

Next time, Pare.

Mag-isa lang ako dito.

Nasa bahay na 'ko e.

E ano naman. May motor ka naman.

Inaantok na 'ko, Pare.

Nagluto pa naman ako ng adobo.

Nako... nakakahiya naman.

Punta ka na dito. Walang kakain nito.

Next time talaga, Pare.

Bahala ka. Sige.

Call ended.


Takte. Antok na antok na 'ko. Bahala na nga.

Hindi pa man ako nakakaakyat ng kwarto, agad akong lumabas para pagbigyan ang alok ng taong hindi ko pa naman gaanong kakilala.

Tinext ko na agad siya. Sabi ko, hintayin ako at papunta na 'ko. Hindi naman na sumagot.


*             *             *


Nag-doorbell ako nang sunod-sunod pero walang sumasagot. Nag doorbell pa ulit ako. Wala pa rin. Nag-text ulit ako. Wala din sagot. Baka tulog na. Naghintay pa 'ko ng ilang minuto sa harap ng gate nila. Nakaupo. Naghihintay sa wala. Tumitilaok na ang mga manok sa paligid. Pipikit-pikit na ang mga mata ko sa sobrang antok. Hindi ko na 'ata kayang mag drive pauwi. Kung mamalasin ka nga naman.

"MVP."

Napalingon ako sa likod.

"Akala ko ba hindi ka makakapunta?" tanong niya habang binubuksan ang gate.

"Nakakahiya naman. Nanghiram na nga ng sapatos, simpleng hiling hindi ko pa mapagbigyan."

"Sus. Natalo nga ako sa pustahan, 'di ba?"

"Wala 'yun."

"Tara sa loob. Ako lang mag-isa dito."


"Ang laki naman ng bahay niyo," sabi ko.

"Namana lang namin 'to sa lolo't lola ko."

"Ah. Taga-dito ka ba talaga sa Pampanga?"

"Oo."

"Hindi kasi kita nakikita. Bagong mukha."

"Sa Manila ako nag-aaral. Kasama ko 'yung kapatid ko du'n. Sila Mommy at Daddy lang ang umuuwi dito. Madalang pa."

"Bakit nandito ka ngayon?"

"Bakasyon. Basketball. 'Yung liga na 'yun. Nabalitaan ko kasi na meron ngayon kaya nagpa-line up ako."

"Ah..."

"Tara kain na tayo," aya niya.

"Hindi na, Pare. Busog pa 'ko."

"Sus. Niluto ko nga 'yan para sa 'yo e."

"'Di nga?"

"Oo."

"Nagluluto ka talaga?"

"Hindi. Yan lang kaya kong lutuin. Tssk."


"Masarap?"

Tumango ako.

Nilagyan pa niya ng adobong lumulutang sa mantika ang plato ko. Dinagdagan ng sangkaterbang kain.

"Pare, busog na 'ko."

"Sige. Kaya mo 'yan."

"Hindi ako makakatulog nito."

"Sino ba may sabing matutulog tayo."

"Loko."

"Joke lang."

Natapos ang kinakain ko. Hindi na halos ako makahinga sa kabusugan. Mas lalo pa 'ata akong tinamaan ng matinding antok. Nagsimula na akong maghikab nang maghikab.

Alas kwatro y medya na ng umaga.

"Uwi na 'ko, Pare."

"Dito ka na matulog, Tol."

"Nako, baka paluin ako ng nanay ko, Pare."

"Hahaha! Ang laki mo na."

"Biro lang. Seryoso, Pare, kailangan ko nang umuwi. Pa'no, salamat na lang?"

"Hindi pwede salamat lang. Dito ka na matulog. Samahan mo na 'ko dito."

"Ha?"

"'Wag ka mag-alala, Tol. Hindi kita re-rape-in."

"Gago."

"Joke lang, Tol."

"Sige na nga."

"Good."


Malaki ang kwarto niya. Malaki ang kama. Magkatabi kaming dalawa.

"Mariel, hano?"

"Oo."

"Matagal na kayo?"

"Three years."

"Wow."

"Ikaw?"

"Wala."

"Hindi ako naniniwala."

"Oo nga. Ano ba akala mo?"

"Wala lang."

"Na marami akong chicks?"

Napangiti ako. Nayayabangan na kasi ako.

"Matagal ka na naglalaro ng bola?" tanong ko para maiba naman ang usapan.

"Since first year highschool."

"Manila?"

"Yep."

"Kaya pala."

"Anong kaya pala?"

"Masyado ka kasing malinis magbola. Masyado kang masunurin sa mga batas ng laro."

"Puro may officials kasi mga games namin sa Manila. Nasanay na."

"Gano'n ba. Ako kasi, madalas, hindi ko maalis yung larong kalye. Simula't sapul kasi, mga tambay ang lagi kong mga kalaro. Sa kanila ako natutong humawak ng bola ng basketball."

"Magaling ka naman e. Napansin ko, marami kang alam na dirty tactics sa game."

"'Yun ba. Sige, one time, turuan kita."

"'Wag na."


Punong-puno ng posters ang kwarto niya. Kobe Bryant at LA Lakers ang karamihan.

"Pare."

"Oh."

"Maka-Kobe ka pala."

"Oo."

"LeBron kasi ako."

"Nako. Magkaaway pala tayo. Kaya pala sagasa ka kung maglaro, parehas kayo ng idol mo."

"Loko. Si Kobe nga buwakaw eh."

"Buwakaw nga pero sure ball naman. Siya ang next Jordan."

"Hindi ako sang-ayon 'jan, Pare. Nagkakamali ka."

"Ikaw ang nagkakamali, Tol. Malayong-malayo si Kobe kay LeBron."

"Hindi rin."

"Aminin mo na, Tol."

Napahinga ako nang malalim. Alam kong mababaw lang ang pinagtatalunan namin pero baka hindi ako makapagpigil, papatulan ko itong lokong 'to. Hindi na ako kumibo.

"Nagalit ka na 'ata."

"Tulog na 'ko."

"Sus. Nagalit na nga. Sige, Tol, daanin na lang natin sa bunong braso."

"Ha?"

"Kung sino matalo, uutusan buong linggo."

Nagpapatawa ba 'to?

"Tulog mo na 'yan, Pare. Antok lang 'yan."

"Natatakot ka ba?"

Isa pa. Nagtitimpi lang ako.

"O ano, Tol? Kinakabahan ka ba?"

Buset. Buti nalang pinahiram ako ng sapatos nito. Pinakain pa pala ako. Pinatulog pa 'ko. Tapos aawayin ko.

Bumangon ako.

"Sigurado ka ba?"

Ngumiti siya. Akala naman niya, kung gaano kalaki katawan niya. Sigurado ako mukha lang ang maipagmamalaki nito. Panigurado lampa 'to.

"Tara," aya ko.

Humanda ka. Ibabagsak ko yang kamao mo. Sa isip-isip ko. Hindi nito alam, ako ang pinakamalakas sa bunong braso sa buong grupo.

Umupo kami sa sahig. Magkabilang gilid kami sa maliit na lamesa sa kanyang kwarto. Walang ano-ano, naglaban na ang aming mga braso.

Sa una, hindi ko pa gaanong sineseryoso. Akala ko madali ko siyang matatalo pero malakas pala si loko. Hindi ko matumba ang kanyang braso. Pinilit kong pabagsakin, pero nahirapan ako.

Ilang minuto. Isa. Dalawa. Tatlo. Talo. Natalo ako. Napalakas ang bagsak ng kamao ko. Masakit. Nakakahiya.

Patay do'n! Utusan ako buong isang linggo.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko